FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
ISANG linggo makaraang manindigan ang GCash laban sa online gambling sa pagpapahinto nito ng e-sabong payments, may isa pa tayong kaalyado sa krusadang ito, ang TikTok. Nagpasya ang platform na tanggalin ang mga money gambling ads nito, isang maliit pero makahulugang panalo sa kampanyang hindi magawang estriktong makontrol ng mga taga-gobyernong nakatokang tutukan ang pagkakakitaan ng bansa.
Ang online gambling ay hindi idinisenyo para sa mayayaman na pupuwedeng walang kahirap-hirap na maglustay ng pantaya mula sa sobra sa kanilang kayamanan. Sa halip, isa itong panghalina para sa mahihirap na desperadong makasuwerte kahit kaunti, hangad ay himala gamit ang perang kinurot mula sa kakarampot na ngang panggastos ng kanilang pamilya.
Nakalulungkot na walang magawa ang gobyerno sa usaping ito makakubra lang ng dagdag na buwis. Ang kapalit nito ay gutom, utang, at libo-libong sirang pamilya — lahat ay naghahangad sa mailap na jackpot.
Kung kayang manindigan ng TikTok at GCash, kakayanin din marahil ng celebrities na itigil na ipagamit ang kanilang kasikatan sa mga mapanirang larong ito. Totoong regulated ito ng gobyerno kaya legal, pero hindi kailangang tumulong ang celebrities na kombinsihin ang kanilang fans na magbisyo para makapaglibang.
Nananawagan ang Firing Line sa kanila, tama na ang pang-eengganyo sa publiko sa isang industriyang nagsasamantala sa kahinaan ng mahihirap at kabataan. At kung totoong may malasakit sila sa kanilang fans, marahil mas mainam na makipagtulungan sila kay Sen. Leila de Lima sa pagsusulong ng tunay na panalo para sa mga Filipino: ang total ban sa online gambling.
Mga pangunahing suspek sa Bulacan
Simula 2022, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 37 flood-control projects ang nakompleto sa Calumpit, Bulacan pa lang — ang bayan na pangunahing napupuruhan tuwing may bagyo. Pero ipinagkikibit-balikat lang ito ni Bulacan Governor Daniel Fernando, ala-Pilato, sinabing “wala siyang nalalaman.”
Walang kuwenta ang palusot niyang ‘yun.
Noong 2022, nagpalabas pa nga siya ng executive order na nag-oobliga sa mga ahensiya ng gobyerno na i-report sa kanya lahat ng proyektong impraestruktura sa probinsiya. Kung wala siyang natanggap na updates, anong klaseng three-term governor siya?
Pero hindi riyan nagtatapos ang kabulukan. Hugas-kamay din si Senator Joel Villanueva, sinabing hindi raw siya kailanman nakisawsaw sa mga proyekto ng DPWH, hindi nagla-lobby, hindi nakikialam.
Okay, suportado naman siya ng mga opisyal ng DPWH, kabilang ang kasamahan na niya ngayon sa Senado na si Mark Villar.
Pero paano naman ang mga kumakalat na retrato: si Senator Joel kasama si Henry Alcantara — ang engineer na ngayon ay binansagang “flood scam kingpin” ng Bulacan?
Ang senador, nakatayo katabi si Alcantara sa mga inagurasyon, siya at si Alcantara sa mga basketball games, siya at si Alcantara sa mga aid events. Maaaring hindi krimen. Pero sa kasagsagan ng eskandalo tungkol sa mga ghost projects, ang mga retratong ganito ay nangangamoy sabwatan at hindi magandang tingnan, kaya mukha tuloy mga pangunahing suspek ang dalawang pinakamatataas na opisyal ng Bulacan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com