FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NAKABIBINGI ang pananahimik ng China. At dinig ito ng buong mundo. Tungkol ito sa pagsasalpukan ng dalawa nitong sariling barko sa karagatang nasasaklawan ng exclusive economic zone ng Filipinas, partikular sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Hindi mga ordinaryong barko ng China lang ang mga ito, kundi ang kapwa napakaagresibo, nambu-bully, at handa sa digmaang barko ng China Coast Guard at warship ng People’s Liberation Army Navy. Parehong mabilis ang pagmamaniobra ng dalawa, kapwa hinahabol ang ‘di hamak na mas maliit na barko ng Philippine Coast Guard, ang BRP Suluan, na naatasan lamang na maghatid ng supplies sa mga nangingisdang Filipino sa ating sariling karagatan.
Hanggang sa pinuntirya na nga sila ng mga walang ingat na pagmamaniobra ng mga barko ng China, ng pagwa-water cannon, na nauwi sa habulan — hanggang nabiktima ang bully ng sarili niyang kaangasan. Nagbanggaan ang dalawang barko ng China, nawasak ang nguso ng isa sa mga ito. Ang kahihiyang sinapit na ito ng Beijing, nakunan ng video, kaya imposible nang maitanggi.
Sa isang anggulo ng video na nakatiyempo sa mismong salpukan, dalawang tripulante sa dulo ng barko ang posibleng nasugatan o nasawi sa lakas ng impact. Gayunman, sa halip na ilantad ang totoong nangyari, inilihim ito ng China.
Ipinagbawal ng state media ang naturang footage, habang ang isa sa pinakamaiingay nitong tagapagsalita, si Yang Xiao ng China Institutes of Contemporary International Relations, ay walang pakundangang iniba ang kuwento. Sa quote sa kanya ng Global Times, iginiit ni Yang na ang Filipinas ang nag-“provoke” sa insidente, idinagdag na dapat sagutin natin ang “all losses” sa nangyari, at buong kakapalan ng mukha pang nagsabi na nasa Beijing daw ang lahat ng karapatan upang humiling ng danyos.
Danyos para sa sariling mga barko ng China na nagkabanggaan habang parehong hinahabol ang mas maliit na barko ng Filipinas sa ating karagatan. Nakalulula ang pagiging katawa-tawa nila.
Linawin natin na ang Bajo de Masinloc ay teritoryo ng Filipinas, bahagi ng ating EEZ, at pitong beses ang layo sa pinakamalapit na pantalan ng China. Ang tanging nanghihimasok doon ay ang mismong mga barko ng China — kumukuyog na para bang mga magnanakaw sa karagatan, ginagamit na armas ang water cannons, at ngayon, nagkabanggaan sila dahil sa aligagang obsesyon na i-bully muli ang mas maliit nilang karatig-bansa.
Tama lang ang pangangatwiran ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na walang anumang responsibilidad ang Filipinas sa nasabing salpukan. Sa halip, China pa nga ang may dapat panagutan — at hindi lang para sa Bajo de Masinloc. Hindi pa ito nakababayad ng danyos sa marahas na pag-atake noong Hunyo 2024 sa Ayungin Shoal, kung saan naputulan ng daliri ng China Coast Guard ang isang sundalong Filipino, sinira ang ating mga barko, at nagnakaw pa nga ng mga armas at kagamitan. Ang ating mga sundalo noon, bagamat nagalit, ay nanatiling may disiplina at kalmado, tumangging palalain ang insidente sa karagdagang karahasan. Iyan ang sukatan ng tunay na kagitingan.
Hindi tamang magkubli ang China sa likod ng pananahimik o mga kasinungalingan. Nasaksihan ng buong mundo kung sino ang hinahabol, kung sino ang gumamit ng water cannons, at kung sino ang dapat sisihin sa banggaan. Kinarma ang Beijing sa sarili nitong kawalan ng pag-iingat, lalo pang napasama ang imahen nito at tuluyan nang nahubaran ng kredibilidad na kunwaring kanilang ipinagmamalaki.
Hindi lang pagkapahiya ang nasa likod ng pananahimik ng China; isa iyong pag-amin na nabigo ang sangkaterba nitong kasinungalingan at pananakot sa harap na rin ng hindi maipagkakailang ebidensiya. Walang anumang propaganda ang makapagkakaila sa nakita mismo ng buong mundo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com