ni Allan Sancon
MAHIGIT dalawang dekada mula nang pasukin ni Ice Seguerra ang mundo ng musika. Tuluyan nang niyayakap ng OPM hitmaker ang kanyang pagiging singer-songwriter sa bagong inilabas na single pack na naglalaman ng dalawang orihinal na awitin: Nandiyan Ka at Wag Na Lang Pala.
“Sa halos buong karera ko, binibigyang-buhay ko ang mga kantang isinulat ng iba. Ngayon, sarili ko naman ang binibigyang-buhay ko,” ani Ice, na sumikat sa mga awiting Pagdating ng Panahon (2001) at Para Lang Sa ’yo (2007), at siya ring nag-interpret ng 2013 Himig Handog Best Song na Anong Nangyari Sa Ating Dalawa.
Ang Nandiyan Ka ay isang awit na alay sa kanyang yumaong ama na si Daddy Dick—tungkol sa isang pagmamahal na laging nariyan ngunit hindi napansin hanggang sa huli na ang lahat. Bago niya kinanta ang awiting ito sa kanyang media conference ay emosyonal niyang ikinuwento ang istorya nila ng kanyang Daddy Dick.
“Tungkol ito sa isang taong walang sawang nagmahal sa ’yo, pero hindi mo nakita,” ani Ice, na isinulat ang kanta kasama si Jonathan Manalo, head ng ABS-CBN Music creatives, content, at operations.
Samantala, isinulat naman niya ang Wag Na Lang Pala kasama ang kanyang asawang si Liza Diño-Seguerra. Tungkol ito sa isang pagmamahalan na kailanman ay hindi nagtugma ang tamang panahon.
Ang mga bagong single ay bahagi ng kanyang album na Being Ice—ang kanyang unang full-length all original album matapos ang sampung taon, at binubuo ng mga kantang siya mismo ang nagsulat.
Ang Being Ice ay ilalabas sa ilalim ng Fire and Ice Music at idi-distribute ng Star Music sa darating na Agosto 8, 2025.
Ang Wag Na Lang Pala at Nandiyan Ka ay available na ngayon sa mga pangunahing music streaming platforms.
Magkakaroon din ng birthday concert si Ice, ang Being Ice Live! The Concert Experience sa September 12 at 13, 2025 sa Newport Performing Arts Theater, Pasay City. Magiging guests niya sa concert sina Gary Valenciano at Vic Sotto.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com