Monday , April 28 2025
Firing Line Robert Roque

Sa pagitan ng bato at alanganing puwesto

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SINAB ni Senator Imee Marcos na ang usaping Duterte-ICC ay nagbabanta ng isang delikadong halimbawa. Hindi siya nagkakamali — pero hindi sa paraang nais niyang paniwalaan ng publiko. Ang anggulo ng soberanya ang ipinagdidiinan niya, pero malinaw naman na iyon lang ang argumento na gusto niyang palabasin. Ang katotohanan, may anggulo ito ng pansariling interes: ang pananatili sa kapangyarihan.

Sa simula pa man, ang mga pagdinig na ito ay hindi in aid of legislation, kundi para sa eleksiyon.

Sa unang pagdinig noong Marso, mainit na agad si Marcos kay Gen. Nicolas D. Torre ng CIDG — ang pulis na nanguna sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte. Ilang beses siyang nagtangkang gipitin si Torre, may intensiyong ibunton dito ang sisi at palalain ang galit ng publiko. Nawala siya sa porma sa ikalawang pagdinig; nang dahil sa hindi pagsipot ng mga pangunahing resource persons, wala tuloy siyang makompronta. Pero sa ikatlong pagdinig nitong Biyernes, itinuloy niya ang hindi niya natapos sa unang hearing — pinag-initang muli si Gen. Torre, ‘tsaka nag-segue sa mas madadaling target, gaya ni Markus Lacanilao.

Ang agresibong pagtatanong ni Imee, lalo na kay Lacanilao — isang sibilyan at mas madaling puntiryahin dahil nauna nang pinag-initan sa social media dahil sa naging papel nito sa pagbibiyahe kay Duterte — ay hindi para linawin o alamin ang katotohanan. Isa iyong emotional baiting, wala nang iba pa.

Isang kalkuladong estratehiya na layuning makuhang muli ang simpatiya ng mga pro-Duterte — na kailangang-kailangan niyang makuha ang loob, at ang katapatan ay hindi niya kailanman nasiguro sa kanya.

Pero hindi bulag ang publiko sa aktuwal na intensiyon sa likod ng mga paandar ni Imee Marcos. Maging ang longtime partner ni Duterte na si Honeylet Avanceña ay hindi magawang makipagplastikan tungkol sa drama ng pagdinig sa Senado.

Binira niya ang galawan ni Imee, binigyang-diin kung paano agarang ipinagbandohan ng senadora sa media ang pinirmahan nitong arrest and detention order para kay Lacanilao. Dito na mistulang nabuking ang motibo. Maaaring hindi laging kumikibo ang mga tao, pero alam nilang tukuyin ang aktuwal na sinseridad — o kawalan nito — kapag nakita nila.

Sa panig ni Senate President Chiz Escudero, kinailangan na niyang kumibo, binaliktad ang ilang oras na hindi permisadong pagpipigil kay Lacanilao dahil sa due process at simpleng konsiderasyon sa kapwa — nagluluksa ang opisyal sa pagpanaw ng lolo nito.

Sa halip, nagpalabas si Escudero ng show-cause order, isang tamang hakbanging legal, ipinaalala sa lahat na ang Senado ay hindi isang coliseum para sa mga personal na interes. Ibinunyag niyang ang mga pag-uusisa sa pagdinig ay malayo na sa simpleng imbestigasyon lamang.

Tuwing sinusuway ng mga senador ang mga patakaran ng Senado at binabago ang proseso para sa pansarili nilang kapakanan bilang mga politiko, hindi soberanya ng bansa ang unang naaagrabyado — kundi ang integridad ng Senado. Dapat na napagtanto na ‘yan ni Imee ngayon bago pa maubos ang mga botong natitirang sa kanya.

Dahil ang kasangga niya sa mga drama niyang ito ay hindi lamang kung sino lang na kaalyado, iyon ay si Senator Ronald “Bato” dela Rosa — dating PNP chief ni Duterte at ang pangunahing nagpatupad ng brutal nitong gera kontra droga. Hindi neutral sa usapin si Dela Rosa; dahil sangkot din siya sa parehong kaso sa ICC at, tulad ni Imee, ay nagbabaka-sakali rin sa kanyang career sa politika dahil magtatapos na ang termino niya sa Senado maliban na lang kung muli siyang mahahalal sa Mayo.

Kaya naman kasabay ng pagtatangka ni Imee na makuha ang loob ng mga tagasuporta ni Duterte, nakadepende siya ngayon sa isang tao na tulad niya ay desperado na rin maisalba ang sarili mula sa pagtatapos ng termino. Hindi lamang ito simpleng dramang pampolitika — isa itong eksena kung saan napapagitna si Imee Marcos sa pagitan ng “Bato” at ng alanganing puwesto.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-post sa @Side_View sa X app.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Imee, Camille, laglag sa endorsement ni Digong

AKSYON AGADni Almar Danguilan TABLADO kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sina senatorial candidates Senator Imee …

Firing Line Robert Roque

Tara, PNP, pustahan tayo!

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MAHIRAP paniwalaan ang patuloy na paninindigan ng Philippine National …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Hustisya sa kuwaresma hatid ng PNP sa pamilya Que-Pabilio

AKSYON AGADni Almar Danguilan TUWING kuwaresma ang lahat ay nagpapahinga, nagbabaksyon, nagninilay, etc…dahil walang pasok …

Sipat Mat Vicencio

Masisikmura ba ng DDS na iboto si Imee?

SIPATni Mat Vicencio SA KABILA ng pambobola ni Senator Imee Marcos sa pamilyang Duterte, magagawa …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Desperado na si Camille Villar at ang paglaglag ni Sara sa PDP-Laban senatorial slate

AKSYON AGADni Almar Danguilan DAHIL sa ginawang pag-endoso ni Vice President Sara kina Senator Imee …