Thursday , April 17 2025
Firing Line Robert Roque

Indecent proposal

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

“…ANG mga solo parent na babae na nireregla pa, na’y malinaw na nireregla pa, at nalulungkot, minsan sa isang taon puwedeng sumiping sa akin.”

Ito ang birong ‘narinig’ ng buong social media mula sa labi ng kandidato sa pagkakongresista ng Pasig na si Ian Sia. Ang ideya niya ng pagpapatawa — binanggit bilang icebreaker sa mamamayan ng Barangay Pinagbuhatan ala-punchline — ay totoong solido ang pagkaka-punch! Pero hindi dahil nakatatawa, kundi dahil ipinaalala nito ang hirap na pinagdaraanan ng bawat solo parent na mag-isang nagpapalaki sa kanilang mga anak nang buong sigasig at husay.

Sa kanyang Facebook account, ipinakilala ni Sia ang sarili bilang “Ang TagaPasig na CPA Lawyer at nagsimula ng FREE LEGAL ADVICE CLINIC.” Pero anong klaseng abogado, anong klase ng lalaki, ang makapagsasalita nang ganoon kabastos na parang ipinahihiwatig na maaaring balewalain ng mga single mother ang kanilang dignidad kapalit ng taunang pakikipag-ulayaw sa kanya?

Hindi kailanman nakatatawa ang misogyny. Hindi nakatutuwang pahiyain ang mga single mother. Marahil para sa isang lalaki na inaakalang cute ang pagiging bastos at papalakpakan ang pamamahiya sa kapwa. Kasing bilis ng pagba-viral ng kanyang kontrobersiyal na biro ang pagkaka-realize niya na nakagawa siya ng malaking pagkakamali.

Ngayon, maging patas tayo. Humingi na siya ng paumanhin, nagpakumbaba nang humarap sa press conference sa Kapasigan restaurant noong nakaraang linggo. Inamin niya ang kanyang pagkakamali. “I take responsibility,” aniya.

Hinanap ko ang video online at naasar ako. Ang pagso-sorry ni Mr. Sia, para sa akin, ay paghuhugas-kamay na lang ng isang nabuking sa kanyang kalokohan, nangangamoy iwas-pusoy. Sa halip na akuin ang pananagutan sa kanyang ginawa, minaliit niya ang sariling paghingi ng tawad nang sisihin niya ang nag-upload ng video sa hindi paglalahad ng tamang konteksto na sana ay — ano? – magpapalusot sa pagbibitiw niya ng ganoong klase ng biro na nakabababa sa pagkatao ng mga single mother?

Pagkatapos, nag-ala “kamikaze” siya upang samantalahin ang isyu para siraan ang mga kalaban niya sa politika. Sinisi niya ang mga trolls at ang mga solidong tagasuporta ng kalaban ng kinabibilangan niyang partido, si incumbent Pasig Mayor Vico Sotto, sa malawakang pamba-bash sa kanya sa buong bansa.

Ang matatalinong botante ng Pasig, Mr. Sia, ay kaagad na makikita ito bilang pagbawi, o pagbubunton ng sisi sa iba kahit na alam na sarili ang nagkamali. Kung konteksto ang hanap ninyo, heto: isa iyong public campaign event at dapat na ligawan ang mga botante upang piliin sila mula sa iba pang kandidato sa pagkakongresista. Iyon ba ang pinakatamang paraan, para sa kanya, upang makuha ang kanilang mga boto?

Nangako si Sia na hindi na uulit pa. Well, iyan din ang inaasahan at hinihiling sa kanya. Ang Commission on Elections (Comelec), nagpalabas naman ng show-cause order motu proprio. May ipinahihiwatig ito.

Maging ang sarili niyang kasamahan sa partido, si Shamcey Supsup-Lee — Miss Universe 2011 third runner-up, arkitekto, dating national pageant director, at ngayon ay kumakandidato sa konseho ng lungsod — ay kumontra sa kanya. Aniya: “I’ve spoken to Atty. Ian and shared my thoughts with him directly. I believe we all have moments to learn from, and I hope this becomes one of them.” Marespeto pero may diin at walang ligoy.

Tungkol naman sa pambato nila sa pagka-alkalde — si Ate Sarah Discaya, ang kanyang slap-on-the-wrist reprimand ay naglantad lang sa katotohanan na ang kanyang grupo ay mas nakatuon sa paninindigan sa isa’t isa kaysa pagkakaroon ng dignidad at pananagutan. Hindi ko alam kung ang hindi pagsasama kay Sia sa tatlo sa kanilang mga caucus at campaign sorties ay makapagpapalubag-loob sa mga botante ng Pasig.

Ang PR nightmare na ito na kagagawan din mismo ni Sia ay resulta ng isang indecent proposal — isang sexist attempt na pinagmukhang patawa sa pangangampanya — at isang nakapangingilabot na pagkambiyo para magmukhang martir ng politika. Sinisi niya ang kampo ni Vico, na para bang ang naging pagkakamali ay nasa pagbatikos sa kanya. Pero walang spin, walang drama, at lalo namang walang halaga ng libreng legal advice ang makapagsasalba sa kanya.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Desperado na si Camille Villar at ang paglaglag ni Sara sa PDP-Laban senatorial slate

AKSYON AGADni Almar Danguilan DAHIL sa ginawang pag-endoso ni Vice President Sara kina Senator Imee …

Sipat Mat Vicencio

Si Grace, si Brian at ang FPJ Panday Bayanihan Partylist

SIPATni Mat Vicencio TANGAN ngayon ni Brian Poe ang ‘sulo’ ng pakikibaka na inumpisahan ni …

Firing Line Robert Roque

Sa pagitan ng bato at alanganing puwesto

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SINAB ni Senator Imee Marcos na ang usaping Duterte-ICC …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kabastusan ng Russian vlogger, winakasan na ni PMG Torre III

AKSYON AGADni Almar Danguilan HALOS araw-araw naiuulat na may mga kababayan tayong overseas Filipino worker …

YANIG ni Bong Ramos

Ipinapakitang supporta sa mga Duterte walang silbi

YANIGni Bong Ramos WALANG SILBI at balewala ang ipinapakitang suporta sa mga Duterte sa Davao …