Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
MAGULO, sabi ng mga Parañaqueños, hindi ang eleksiyon, kundi ang relasyon ng mga maglalaban sa pagka-alkalde sa siyudad ng Parañaque at Las Piñas City.
Tanong ng taongbayan, anyare?
Sa Las Piñas City, magpinsang buo sina mayoral candidates April Aguilar-Neri at Carlo Aguilar. Si April ay vice-mayor samantala si Carlo ay former councilor ng Las Piñas City. Si incumbent Mayor Imelda Aguilar, ina ni April ay bababa sa pagka-vice mayor naman… palitan lang.
Si Carlo Aguilar ay suportado ni Senator Cynthia Villar na kapatid ng Ama ni April, ang gulo ‘di ba? Ano ba nangyayari sa siyudad ng Las Piñas gayong itong si April ay dating pribadong mamamayan at ang ginampanang papel noong nabubuhay ang ama na dating Alkalde na si Vergel “Nene” Aguilar ay kumuha ng mga project sa administrasyon ng kanyang ama.
Kung ikaw ay supplier o contractor hindi si Mayor Nene ang kakausapin kundi si April. Kaya taga-Las Piñas, esep-esep kayo!
Si April ba, na naging robot lang ang ina dahil siya ang umaaktong mayora at lahat ng proyekto ay kumakabig, o itong si Carlo na kahit minsan ay ‘di nagnegosyo sa inyong siyudad?
Ngayon alam na ninyo, mag-isip kayo!
Sa lungsod ng Parañaque, former wife and husband sina mayoral candidate Ailyn Olivarez at Mayor Eric Olivarez, pero dahil magpapalit ng posisyon sina Eric at Edwin Olivarez, sina Ailyn at Edwin Olivarez ang maglalaban bilang alkalde ngayong May 12 local elections.
In short, magbayaw sina Ailyn at Edwin… ang tindi kasi ng galit ni Ailyn kay Edwin. Bakit? Sabi nila ay si Edwin pa rin ang umaaktong mayor at hindi ang dating asawa na si Eric. Bagay na mariing itinanggi ni Mayor Eric at ni Cong. Edwin.
Sa pangangampanya ni Ailyn, lagi niyang sinisiraan si Cong. Edwin, bagama’t subok na ang kalidad ni Edwin sa serbisyo dahil siyam na taon siyang naging alkalde sa Parañaque City. Kaya sabi nila mahirap nang gibain ang pundasyon ni Cong. Edwin.
Samantala, si Ailyn ay naging misis ni Mayor Eric at ‘nag-reyna reynahan’ sa City Hall dahilan upang magkaroon ng sibakan sa mga posisyon sa linya ng mga department heads.
Ang sinasabi kong magulo ay hindi ang eleksiyon, kundi ang mga kakandidato! Magpinsan at magbayaw, ‘di ba ang gulo.
Mga internal problems nila sa pamilya pati eleksiyon dinamay pa.
‘Yan ang political dynasty, bow.