Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
NAGING kalakaran na tuwing sasapit ang graduation day ng mga estudyante, hindi nawawala ang mga politiko, incumbent man o mga kandidato.
May punto ang Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang mga politikong kandidato sa May 12 elections dahil ang mga guro ay hindi dapat pumapanig kahit kaninong politiko, lalo’t wala namang papel na ginagampanan sa mga graduations na tanging mga pamilya lamang ng graduating students ang marapat na dumalo.
Sabi naman ng mga guro na kadalasan ay kumbidado ang alkalde ng lungsod na nagbibigay ng inspirational speech sa mga graduation. Hindi kaila na sa mga pampublikong paaralan ay proyekto ng mga local officials ang pagpapatayo ng mga gusali ng paaralan kaya bilang pagkilala ay ‘di maiwasan na hindi nila kumbidahin ang ilang nakaupong politiko.
Pero take note: iyon po ay pondo ng bayan at ipinadadaloy lamang sa kanila dahil sila nga ang ibinoto ng mga tao. Hindi po nilapera iyon at lalong hindi nila dapat isukbit sa kanilang mga bulsa.
Mabuti na lamang at mahigpit ang direktiba ng Comelec upang masiguro na walang kampanyahan na magaganap sa oras ng graduation.
Kaugnay nito, nalungkot naman ang ilang incumbent local elections na may kaunting regalo na ipagkakaloob sana sa mga graduating students.
Anyway, puwede naman nilang ibigay ang regalo kahit walang eleksiyon.