FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
BUKAS, tatalakayin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang bagay na hindi maiiwasan: ang petisyon para sa taas-pasahe mula sa mga jeepney driver. Sa nakalipas na dalawang taon, iginigiit ng mga tsuper ng jeep na itaas ang minimum na pasahe sa ₱15.
Sa urong-sulong na inisyatibong ito, ang naipatupad ay ang provisional increase na ₱13. Pero dahil sa inflation na labis na nakaaapekto sa bawat Filipino, nauubusan na ng pasensiya ang mga jeepney driver sa paulit-ulit na tugon sa kanilang hinaing — na ang pagdadagdag ng pasahe ay pahirapang pagbabalanse sa kapakanan ng mga kinauukulan.
Hindi sasabihan ng kolum na ito ang LTFRB kung ano ang dapat gawin, bagamat hindi mahirap sabihing ang mas may malaking kasalanan dito ay ang kawalan ng aksiyon ng gobyerno sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.
Hanggang ngayon, walang ginawa ang administrasyong Marcos para magkaloob ng direktang subsidiya o, kahit man lang, bawas-buwis sa petrolyo para sa mga pampublikong sasakyan. Marahil ito ang usaping dapat harapin ng Presidente bago siya magdadadada sa mga campaign rally ng mga pambato sa Senado ng kanyang administrasyon.
Ang comeback ni Manny
Noong nakaraang linggo, nahuli ang convoy ni Manny Pacquiao sa ilegal na paggamit ng EDSA bus lane. Ang kanyang security detail, gaya ng masusunuring minions, ay humingi ng tawad, tinanggap ang tiket, at siniguro sa publiko na ang kanilang amo ay “walang kinalaman sa nangyari.”
Wala akong intensiyong maliitin ang ating sports hero na binansagan bilang ating “Pambansang Kamao.” Pero kung sobra siyang astig sa ring, bakit parang hindi yata kontrolado ni Manny ang sarili niyang grupo? Maliban na lang, siyempre, kung nagpapanggap lang siyang walang alam.
Ganito rin ang pagkalito ko noong 2022 nang kumandidato siya sa pagkapangulo at binira ang ideyang maghalal muli ang mga Filipino ng isa pang Marcos. Sinabi pa nga niyang dahil sa korupsiyon, hindi karapat-dapat si Bongbong Marcos para pamunuan ang bansa.
Fast forward ngayon, kumakandidato si Pacquiao sa Senado sa ilalim ng ticket ng administrasyong Marcos. Kung naniniwala na ngayon si Manny na malinis na mula sa korupsiyon ang gobyerno ni Marcos, posibleng nagsisinungaling siya o wala lang talaga siya sa hulog — wala sa dalawang ito ang makapagsasabing dapat nga siyang magbalik sa Senado.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).