SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
“We are here to serve!” ito ang iginiit ni Vilma Santos, tumatakbong gobernador sa Batangas City nang kuwestiyonin ukol sa political dynasty.
Tumatakbong governor si Ate Vi, samantalang ang kanyang anak na sina Luis Manzano ay vice governor ng Batangas at congressman ng 6th district ng Batangas si Ryan Christian Recto. Kaya naman hindi nakaligtas sa mga mapanuring netizens ang pamilya ni Vilma.
At sa opening ng Barako Festival 2025 noong Huwebes, February 13, sinagot ni Ate Vi ang ukol sa political dynasty.
“With all honesty, we don’t want to entertain that. We are here to serve, and people will judge us,”anito, Unang nahalal si Ate Vi bilang mayor ng Lipa noong 1998 at nagsilbi hanggang 2007. Taong 2007 hanggang 2016 naging gobernador siya ng Batangas. Kasunod ang pagiging congresswoman ng 6th District na tumagal hanggang 2022.
Ipinagtanggol naman ni Luis ang kanyang ina at pamilya at sinabing naniniwala siyang napakaraming proyekto ag nagawa ni Ate Vi bilang public servant. Kaya naman sa pagsabak niya ngayon sa politika, baon niya ang lahat ng natutunan mula sa kanyang ina.
“From mayor of Lipa nakita naman natin kung paano siya naging gobernador ng Batangas. Naging part din siya ng Congress. In fact, naging Lingkod Bayan awardee rin siya.
One of the highest awards na pwedeng makuha ng public servant,” buong pagmamalaking tinuran ni Luis ukol sa kanyang ina.
“We submitted ourselves to the electoral process. Basta ang hangad namin ay ‘yung paglilingkod namin sa bawat Batangueno. Kung saan papunta ang mga pangarap namin sa paglilingkod, kung saan gusto naming ilagay ang puso namin, nakasalalay sa botante ‘yun,” susog pa ni Luis.
Sinabi naman ni Ryan na, “I think my brother said it perfectly naman. We are here to serve the people, and the choice will always be theirs.”
Sa kabilang banda, pinasalamatan ni Ate Vi ang organizing team ng Barako Fest dahil matagumpay ito sa pagsisimula pa lamang noong Huwebes, sa pamumuno ng Mentorque producer na si John Bryan Diamante.
Ang Barako Fest ay tatlong araw na event na co-presented ng Construction Workers Solidarity (CWS) Talino at Puso, at 107 Angkas Sangga party-list.
“Teamwork, that is the magic word. Teamwork. Kahit anong galing mo, Bryan, ‘pag hindi ka nasamahan ng iba na magagaling din, hindi tayo magiging matagumpay.
“And I think that is the magic word, teamwork. We will continue to work as a team, and we will continue to work as a family here in the province of Batangas.
“Barako Fest, this is our third year. We’re very proud of this Barako Fest, kasi ito ho ngayon ang inilalatag namin dito sa Lipa kasama na po ang iba’t ibang bayan ng ating lalawigan.
“Marami ho kaming puwedeng ipagmalaki sa Barako Fest. Lahat po ng mga kaya naming ipagmalaki sa Batangas ay lalabas at lalabas habang naggo-grow, habang tumatagal pa ang aming Barako Fest.
“Ngayon po ay naka-focus tayo ngayon sa Lipa. There’ll come a time, iiikot na natin ito sa buong lalawigan ng Batangas.
“Ang Barako Fest po ay pinag-isipan para ito ho ay mabigyan ng pagkakataon iyong masasabi nating micro and at the same time, iyon talagang pinakamalaki na po nating mga entrepreneur.
“With the present situation natin ngayon, ang isang pinaka-importante, may hanapbuhay. Tama po ba? Hanapbuhay ang number one sa atin ngayon.
“At ang isang ibinibigay ngayon ng ating Barako Fest, bukod sa binibigyan pa ho ng kaligayahan ang atin pong mga Batangueño, ‘yung foodfest natin ay nandito,” sabi pa ni Ate Vi.
Sa totoo lang tinutukan din ni Ate Vi ang Barako Fest. Noong second night nito, past 11:00 p.m. ay nakasalubong pa namin siya kasama sina Luis at Ryan Christian. Galing siya sa festival na nagkaroon muli siya ng pakikipag-usap sa mga taga-Batangas. Personal din niyang tsinek ang mga nagaganap sa festival.
Kasama naming nag-ikot noong February 14 sina Carina Martinez, Willie Ong, at Joel Umalis Penang Tourism Batangas at talaga namang nakita namin kung gaano karaming Batagueno ang nag-iikot at nasisiyahan sa mga palaro, palabas, at pagkaing naroon.
Hindi ka nga magugutom sa festival dahil naroon ang sari-saring pagkaing handog ng mga Batangueno. Na-enjoy namin ang handog ng Big Ben Complex, iyong pa-Korean food at pa-coffee nila.
Manghang-mangha naman kami sa mga sumali sa “Last To Take Hands Off Challenge” na brand new car ang mapapanalunan. Enjoy din ang panonood namin ng “Angkeys To Win” na limang motorsiklo ang ipinamigay. Bongga rin ang “Barako Game: Battle for P1Million” na inspired ng hit Netflix series na Squid Game.
At sa last night, February 15 dumagsa ang napakaraming tao (450,000 to be exact) para manood ng concert na tampok sina Vice Ganda, Joshua Garcia, KZ Tandingan, Jessy Mendiola, Alex Gonzaga at marami pang iba.
Sa tagumpay ng Barako Fest, binabati namin sina Ate Vi, Luis, Ryan Christian at siyempre si Bryan sa napakagandang pagsasagawa ng festival. Congratulations.