Friday , April 18 2025
Firing Line Robert Roque

Aalisin na ang EDSA busway?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

ANG SUWERTE lang natin na magkaroon ng transportation chief na hindi kasing ewan noong nagmamando sa MMDA.

Inilinaw ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong weekend na ang EDSA Bus Carousel — ang eksklusibong bus lane na nagpabilis sa biyahe at nagtanggal sa mga baradong panulukan — ay hindi lamang mananatili, kung isasaayos pa lalo.

Ito ang buwelta ng Department of Transportation sa pinakamalalang ideya sa kasaysayan, courtesy ni MMDA Chair Romando Artes. Sa MMDA ka lang makakikita ng tao na inaakalang dapat alisin ang solusyon sa mass transport para mas palalain ang traffic.

Aabot sa 200,000 pasahero ang araw-araw dumaraan sa EDSA Busway. Alam naman niya ito, pero naisip ng matalinong taong ito na alisin ang bus lane dahil kailangan daw ng mas maraming espasyo para sa mga pribadong sasakyan?

Hindi na ako makikisali sa sangkatutak na netizens na nagmumura sa kanya, pero mayroon akong payo: Go home and plant kamote!

Paglilitis ng Senate

At dahil nasa mood tayong magpayo ngayon, ito ang isa pa: Kung seryoso ang Senado sa pagpapatalsik sa puwesto kay Vice President Sara Duterte, dapat na kumilos sila agad.

Pinagbasehan ang batas, sinabi ng beteranong election lawyer na si Romulo Macalintal na dapat tapusin ng Senado ang impeachment trial bago magtapos ang 19th Congress sa 6 Hunyo 2025. Kung hindi pupuwedeng umakto ang susunod na Senado na parang walang nangyari.

Alinsunod sa batas, wala nang paglilitis na hahatulan kapag nag-convene para sa susunod na Kongreso ang mga bagong senador at kongresista na mahahalal ng Mayo.

Naniniwala ang political analysts na dapat nang mag-convene ang Senado bilang impeachment court ngayong congressional break. Katwiran nila, hinihiling ng 1987 Constitution na madaliin, o ang mas tamang termino, inoobliga ang Senado “[to] proceed forthwith” kapag nasa kanila na ang articles of impeachment.

Pero iginigiit ni Senate President Francis Escudero na bawal sa batas na magsagawa sila ng paglilitis kapag naka-recess, iminungkahing hintayin ang balik-sesyon sa Hunyo.

Ang pagpapaliban ang pinakamagandang regalong maibibigay ng mga senador kay Inday Sara. Kung ganoon lang, patayin na lang nila ang impeachment ngayon na para wala nang anumang drama.

Pilato Gadon

Hugas-kamay ngayon si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Lorenzo “Larry” Gadon sa mga Duterte — ala-Poncio Pilato.

Bigla na lang, naalala niyang hindi kailanman naging maimpluwensiya sa politika ang mga Duterte, sinabing nanalo lang si Rodrigo Duterte noong 2016 dahil walang ibang mapagpipilian ang Marcos loyalists. Si Sara? Nasa hanggang limang milyon lang daw ang boboto rito.

Maliwanag ang mensahe ni Gadon: sinuportahan niya ang UniTeam dahil kay Marcos, hindi dahil kay Sara. ‘Yan ang tunay na loyalista ni Marcos.

     *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Desperado na si Camille Villar at ang paglaglag ni Sara sa PDP-Laban senatorial slate

AKSYON AGADni Almar Danguilan DAHIL sa ginawang pag-endoso ni Vice President Sara kina Senator Imee …

Sipat Mat Vicencio

Si Grace, si Brian at ang FPJ Panday Bayanihan Partylist

SIPATni Mat Vicencio TANGAN ngayon ni Brian Poe ang ‘sulo’ ng pakikibaka na inumpisahan ni …

Firing Line Robert Roque

Sa pagitan ng bato at alanganing puwesto

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SINAB ni Senator Imee Marcos na ang usaping Duterte-ICC …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kabastusan ng Russian vlogger, winakasan na ni PMG Torre III

AKSYON AGADni Almar Danguilan HALOS araw-araw naiuulat na may mga kababayan tayong overseas Filipino worker …

YANIG ni Bong Ramos

Ipinapakitang supporta sa mga Duterte walang silbi

YANIGni Bong Ramos WALANG SILBI at balewala ang ipinapakitang suporta sa mga Duterte sa Davao …