SUMISIKAT sa masa ang party list na FPJ Panday Bayanihan party-list.
Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang walang hanggang pagmamahal ng mga tao kay Fernando Poe Jr., ang Hari ng Pelikulang Pilipino.
Sinabi ng political analyst na si Jun Villarica, kinikilala rin ng mga tagapakinig ng FPJ Panday Bayanihan party-list ang direktang komunikasyon at konsultasyon ni Brian Poe Llamanzares sa mga advocacy group at grassroots organization, pati na rin ang kanyang pag-unawa sa aktuwal na agenda ng bawat sektor.
Sa survey ng Tangere, nakakuha ng 1.22 percent ang FPJ Panday Bayanihan party-list at ika-20 sa 156 party-list groups. Ang survey ng Social Weather Station ay naglagay sa FPJ Panday Bayanihan Partylist sa ika-11 pwesto.
“Ang FPJ Panday Bayanihan party-list ay nakakuha ng momentum sa mga pangunahing sektor, kabilang ang kabataan, mga magsasaka, kababaihan, mga manggagawa, at mga walang tahanang matatanda, na nagbigay-daan sa partido na makakalap ng makabuluhang pananaw sa mga alalahanin ng masa at nakipagtulungan sa paglikha ng isang agenda ng bayan na isinasaalang-alang ang mga pangangailangan ng bawat sektor,” sabi ni Ricky Mallari, lider ng Volunteer Poe Kami Movement.
Ang dedikasyon ni Brian Poe ay sumasalamin sa hangarin ng kanyang lolo na si FPJ na walang hangganang maglingkod sa bayan. Sa halos tatlong dekada niya sa industriya ng pelikula at mahigit 300 pelikula, ginampanan ni Fernando Poe, bilang pangunahing aktor, ang simpleng buhay ng masang Filipino, kaya nagbibigay inspirasyon sa mga manonood si Da King, ayon kay Villarica.
Ang representasyon ni FPJ sa katayuan ng masa sa pelikula ay tinugon ng mga bumotong publiko nang tumakbo si FPJ bilang Pangulo.
Nakakuha siya ng 11 milyong boto, mahigit isang milyong boto (3.48%) nauna sa reeleksyonistang si Gloria Macapagal Arroyo. Ang halalan sa pagkapangulo ng Filipinas noong 2004 ay naitala sa kasaysayan bilang isang masiglang laban.
Tangan pa ng Panday Bayanihan Partylist ang plataporma na nakabatay sa mga haligi ng Food, Progress at Justice (FPJ), na naglalayong itaas ang antas ng mga nasa laylayan ng lipunan at itaguyod ang isang inklusibo at napapanatiling kinabukasan para sa bansa.
Noong Oktubre 2024, sa ginanap na isang consultative meeting ng mga lider at kinatawan ng Rizal Muslim Consultative Council (MCC), Cainta Muslim Affairs Office, Muslim Communities ng Munisipalidad ng Rodriguez, Rizal, Salaam Police Advocacy Group (SPAG), at United Cavite Muslim Communities, kanilang ipinahayag ang mariing suporta para sa FPJ Panday Bayanihan partylist.
Inayunan ni Brian Poe ang kahilingan ng grupong Muslim na magtatag ng isang konsultatibong konseho sa mga lugar na may malaking populasyon ng Muslim at palawakin ang mandato ng National Commission on Muslim Filipinos.
Sabi ni Poe, “Kung gusto nating umunlad ang ating bansa at ekonomiya, walang Filipino ang dapat maiwan, anuman ang kanilang katayuan o relihiyon.” Dapat nating itaas ang buhay ng bawat Pinoy at bigyan ng pantay-pantay na pagkakataon ang lahat.
Pinapurihan ng mga propesyonal, akademiko, at negosyante si Brian Poe nang iprisinta niya ang kanyang pananaliksik sa water management sa pagdaraos ng ika-6 na Katipunan Conference on National Security and Economic Resilience na ginanap sa Ateneo de Manila University.
Ang kasikatan ni FPJ ay naipakita sa laban sa pagka-senador, kung saan si Grace Poe, na unang pagtakbo para sa Senado noong halalan ng 2004, ang nanguna sa listahan ng mga nanalo.
Nang maghain si Brian Poe ng kanyang Certificate of Candidacy bilang unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan party-list ay sinamahan siya ng kanyang ina na si Senator Grace Poe.
“Sabi ko kay Brian, gaya ng sinabi sa akin ng aking ina, gawin mo ang iyong makakaya at huwag kaming pahiyain. Alam niya na pribilehiyo ang maging bahagi ng pamana ni FPJ, “ anang senadora. “Sinabi ko sa kanya na alagaan ang pangalan ng aking ama,” dagdag pa ni Sen. Grace Poe.