MAHIGPIT na ipatutupad ng Quezon City Police District (QCPD), sa pangunguna ni Acting District Director P/Col. Melecio Buslig, Jr., ang batas kontra sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok upang matiyak ang isang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Holiday Season partikular ang pagsalubong sa Bagong Taon 2025.
Ayon kay Col. Buslig, batay sa Executive Order (EO) No. 28 at Republic Act (RA) No. 7183, ang mga sumusunod ay mahigpit na ipinagbabawal: Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star (Big), Pla-Pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Special, Atomic Bomb, Atomic Triangle, Large-size Judas Belt, Goodbye Delima, Hello Columbia, Goodbye Napoles, Super Yolanda, Mother Rockets, King Kong, Kwiton, Super Lolo, Goodbye Bading, Goodbye Philippines, Bin Laden, Coke-in-Can, Pillbox, Kabasi, Tuna, at Goodbye Chismosa.
Ayon pa sa opisyal, nakipagtulungan din ang QCPD sa Quezon City Local Government Unit (QC-LGU) para ipatupad ang mga regulasyon sa ilalim ng QC Ordinance No. SP-2587 na pinalakas ng QC Ordinance No. SP-3233. Ang mga mahuhuling lalabag ay maaaring mapatawan ng mga sumusunod na parusa:
• Pagbebenta Nang Walang Pahintulot: Multa na ₱1,000 o pagkakakulong ng hanggang 3 buwan (o pareho), at posibleng pagkansela ng business permit.
• Paggamit Nang Walang Pahintulot: Multa na ₱3,000 o pagkakakulong ng hanggang 6 buwan (o pareho).
• Paggawa Nang Walang Pahintulot: Multa na ₱5,000 o pagkakakulong ng hanggang 1 taon (o pareho).
Dagdag rito, ang Ordinance No. SP-2587, ay mahigpit na nagbabawal sa pagbebenta o pagbibigay ng paputok sa mga menor de edad. Ang mga lalabag ay mahaharap sa multang ₱5,000 o pagkakakulong ng hanggang 1 taon (o pareho).
Upang masigurong nasusunod ang mga batas, magpapakalat ang QCPD ng mahigit 1,200 personnel at 2,203 force multipliers sa mga mall, transport hubs, parke, lugar ng pagsamba, at iba pang lugar na madalas puntahan ng tao.
Mayroon din 22 community firecracker zones at 2 fireworks display areas sa Quezon City na mahigpit na babantayan para sa kaligtasan ng publiko.
“Hinihikayat ko ang lahat na gumamit ng alternatibong paputok at sumunod sa batas habang ipinagdiriwang ang Holiday Season. Para sa mga emergencies, tumawag sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o ang QC helpline 122. Sama-sama nating gawing ligtas at makabuluhan ang selebrasyon,” ani PCOL Buslig, Jr. (ALMAR DANGUILAN)