ISINAGAWA ang groundbreaking ceremony ng Philippine High Speed New Materials Company Inc., sa loob ng Racal Industrial City ang kauna-unahang pinakamalaking pagawaan ng “precast concrete products” sa Luzon sa bahagi ng Viola Highway, Brgy. Maronquillo, San Rafael, Bulacan.
Pinangunahan ni 6th District congressional aspirant Jad Racal, kasama si San Rafael Incumbent Mayor Mark Cholo Violago, Builders Chairman/CEO Jonito Racal , Jake & Jed Racal, at mga Chinese managers na sina Kevin Lee, Jon Wang, David Wang, katuwang ang mga opisyal ng barangay.
Ayon kay Cong. Jad, tinatayang aabot sa higit limang ektarya ang pagtatayuan ng estruktura ng naturang kompanya na pinondohan ng higit P2 bilyon, habang higit P2 bilyon rin ang halaga ng mga makinaryang gagamitin sa paggawa ng precast products.
Ang mga gagawin sa nabangit na pagawaan ay matitibay na uri ng precast para sa paggawa ng bahay, condominiums, hotels, malls, at marami pang iba.
Inaasahang matatapos ang construction ng bagong factory sa buwan ng Marso ng papasok na taong 2025.
Aniya, inisyal pa lamang ito sa mga investors na magtatayo ng negosyo sa Racal Industrial City.
Sinabi ni Chairman/CEO Jonito Racal na magbibigay o mangangailangan ng 15,000 hanggang 20,000 trabahador mula sa nabangit na probinsya ang itatayong kompanya. (MICKA BAUTISTA)