RATED R
ni Rommel Gonzales
GINULAT kami ng young actress na si Mary Joy Apostol.
Aba eg nakaaarte pala siya, at hindi lamang basta nakaaarte, mahusay! (Yes, magaling na artista si Mary Joy. Siya ang itinanghal na Best Actress sa 2nd The EDDYS noong 2018 para sa pelikulang Birdshot. Tinalo niya sa kategoryang ito sina Joanna Ampil para sa Ang Larawan, Sharon Cuneta sa Unexpectedly Yours, Bela Padilla sa 100 Tula Para kay Stella, at Alessandra de Rossi sa Kita Kita—ED).
Napanood namin ang celebrity premiere ng The Last 12 Days na final installment sa The 12 Days saga ng Blade Films na bida sina Mary Joy at Akihiro Blanco.
Simpleng kuwento ito ng pagmamahalan at relasyon ng magkasintahan, na tulad ng kahit na sino ay dumaan sa ups and downs at saya at lungkot ng isang relasyon.
Sa pagkakatanda namin, unang beses namin na napanood si Mary Joy sa isang full-length na pelikula at na-impress kami.
Mahusay siya, light man o heavy drama ang eksena, hindi nag-a-underacting at hindi rin um-overacting.
Marami siyang kakabuging aktres na kaedad niya kung akting ang labanan.
At ‘yung rehistro niya onscreen, hindi man siya outstandingly o amazingly beautiful pero napaka-charming ni Mary Joy.
Sana talaga ay mabigyan ng major, major break bilang artista si Mary Joy dahil malaki ang kanyang potensiyal na mas sumikat pa.
At dahil ang producer ng pelikula ay ang Blade Films, may mga product placements ang Blade na mga produkto at accessories ng kotse at kung ano-ano pa, hindi naman iyon maiiwasan.
Pero disimulado naman ang “promo” nila, pati ang lokasyon na branches ng Blade stores, pasok naman sa kuwento.
Si Akihiro, medyo “healthy” sa pelikula, siguro ay sinadya dahil hindi naman teener ang role niya kundi isang adult na lalaking umiibig at nasasaktan.
Pero sa mismong premiere ng pelikula sa Ayala Malls Manila Bay, maganda ang katawan ni Akihiro, pumayat na siya.
Present sa premiere ang mga big boss ng Blade company na ang ilan sa kanila ay may cameo roles sa pelikula at in fairness, pasado silang mga newbie star, huh!
At si Akihiro, dahil alaga siya ng TEAM ni Tyron Escalante, present sina Tyrone at iba pang artists niya tulad nina Andrew Gan, Keann Johnson, at Kelvin Miranda bilang suporta kay Akihiro.
Idinirehe ito ni CJ Santos at mapapanood na sa Viva One.