HATAWAN
ni Ed de Leon
UNA naming narinig iyang Espantaho, nang gumawa ng announcment si direk Chito Rono na may inihahanda siyang pelikula para sa festival na ang lalabas ay si Vilma Santos at Judy Ann Santos. Marami ang natuwa dahil finally matutuloy na rin ang isang Santos-Santos tandem na matagal nang hinihintay.
Pero bantulot si Ate Vi, kasi nga isasali sa festival, at sa tingin niya hindi kakayanin. Kung siguro nga noong araw, kayang-kayang tapusin ang isang pelikula. Pero sa ngayon ang gusto ni Ate Vi ay iyong walang pressure sa trabaho, gagawa siya ng pelikula bakit ba hindi, pero ayaw na niya iyong sagsagang trabaho talaga. Ang huli niyang ginawang sagaran talaga sa trabaho ay iyong Ekstra. Kasi nga indie naman iyon at gusto niyang maranasang gumawa naman ng indie. Pero dahil doon nagkasakit na siya sa sobrang pagod, kaya mula noon ayaw na niya ng sagarang trabaho.
Nakipag-usap naman siya sa mga producer niyang Espantaho at sinabi nga niya na hindi kaya ang sagarang trabaho, bukod doon, malakas na rin ang pressure sa kanya niyon para muling magbalik bilang gobernador ng Batangas, at alam niya kakain din ng panahon ang kanyang pagkakampanya. Totoo ang challenge naman sa kanya sa Batangas ay hindi niya kailangang magkampanya. Mag-file lang siya ng COC at sila na ang bahala.
Gayunman ang sinabi sa kanya, alam niyang hindi puwede iyon. Kahit na sabihin sa kanyang sigurado namang mananalo siya kahit na hindi magkampanya dahil sa magandang record niya sa Batangas, alam niya ang katotohanan na kung ikaw ang kandidato bilang gobernador ng isang probinsiya, ikaw ang kapitan ng barko ng partido at mas kailangan ka ngang kumilos hindi para sa sarili mo kundi sa mga kandidato ng buong partido. Kaya ang sinabi niya, kung magagawa ng walang pressure o maia-adjust ng kaunti ang role para naman hindi siya masyadong maipit sa panahon, willing siyang gawin ang project.
Nasa ganoong sitwasyon nang biglang lumapit naman si Bryan Diamante ng Mentorque na nag-aalok din ng project. Ganoon din ang sagot ni Ate Vi. Ayaw niya ng pressure. Kaya ang naging usapan, walang pressure, hindi naman kailangang maghabol ng pelikula sa festival dahil may isa silang project na gagawin bilang isang festival movie. That being said, pumayag si Ate Vi. Kinausap din naman agad ni Ate Vi ang mga taga-Quantum at sinabi niya na may gagawin siyang project, pero hindi naman kasi sa festival kaya wala siyang problema, naintindihan naman siya at sinabi sa kanyang “sige iyon na ang gawin mo.”
Iyon namang Mentorque, inilatag na sa kanya ang lahat ng hawak nilang material sa pelikula. Pero si Ate Vi, ang iniisip nagawa na niya ang lahat ng roles na iyon sa mga dati niyang pelikula, gusto niya iba naman. Naiba na ang kondisyon, siya naman ang tinanong, ano ba ang gusto mong gawin? Nagkaroon ng mga bagong plano. Nagbigay si Ate Vi ng idea ng isang kuwento na mabilis namang na-develop ni direk Dan Villegas, at iyan na nga ang Uninvited. May problema pa rin, sino ang makakasamang artista? Nagkaroon ng suggestions. Makalipas lamang ang dalawang araw, sinabi sa kanya ng Mentorque na pumayag na sina Aga Muhlach at Nadine Lustre na gawin ang pelikula, na-excite naman si Ate Vi at sinabing “‘di mag-shooting na tayo.”
Ang nangyari naman habang nasa shoting si direk Dan, si direk Antoinette Jadaone at ang isa pang kasama nila ay nagsisimula na ng post production work sa lahat ng nakunang eksena. Habang nasa shooting pa lang, nabubuo na ang pelikula. Kaya nang mag-extend ng deadline ang Metro Manila Film Festival (MMFF), umabot ang pelikula. Baka sakali lang. Medyo may rough cuts pang kailangan, pero ipinasok ng screening conmmittee sa festival. Kaya ngayon kasali ang Uninvited.
Sa parte naman ng Quatum at ni direk Chito, desidido rin silang gawin ang Espantaho para sa festival, kumuha naman sila ng halos kasing kalibre rin ni Ate Vi ang dating, si Lorna Tolentino na pumayag naman agad na gawin ang pelikula.
“Kung may role na inialok mo sa isang top caliber artist na kagaya ni Vilma Santos, sigurado magandang role iyan. kung may isang project na nai-present mo sa kanya, tiyak na maganda na nga iyan otherwise hindi mo iaalok iyan kay Vilma Santos.
“Salamat kay Ate Vi, ako naman ang nakakuha ng role na dapat sana sa kanya. Wala na ring tanong-tanong sige shoot.
“Noong nagsu-shoot na kami ng pelikula at saka ko unti-unting nadarama ang ganda ng role, ang tindi ng mga eksena. Nanay ka lang ni Juday pero may sarili kang kuwento.
“Iba talagang magtrabaho si Chito. Iyong mga kasama kong artista, lahat magagaling. Hindi ka puwedeng tutulog-tulog at si Juday, napakasarap na ka-eksena kasi ibibigay niya sa iyo iyong motivation eh hindi ka mahihirapan sa role mo.
“Hindi ko pa rin napapanood iyong buong pelikula eh, pero base sa mga parteng nakita ko. Isang magandang pelikula itong ‘Espantaho.’
“World class ang dating at saka iyong title, nakatatawag ng pansin, ako man tinanong ko noong una kung ano ba iyon, iyon pala ay spanish word, ‘Espantajo,’ na ang ibig sabihin scare crow. Iyong inilalagay sa mga bukid para lumayo ang mga ibon. Doon sa ‘Espantaho’ nagsimula ang kuwento,” sabi ni Lorna.
***
Inlab kaya kakaiba ang ganda
Pero si Lorna, kakaiba ang dating ngayon. Ewan nga ba kung bakit noong press conference nila kakaiba ang ganda ni Lorna. Kung sa bagay, kahit naman noong araw sinasabing si Lorna ang isa sa may pinaka-magandang mukha sa ating mga artista sa pelikula. Pero iba ang kanyang glow ngayon. May nanliligaw na ba sa kanya ngayon?
“Bakit kailangan bang ligawan para gumanda? Ang totoo tumatanda na tayo. Marami na tayong sakit.
“Noon kasi may ipinagamit sa aking spray para sa asthma, may steroids iyon kaya ang naging epekto lumaking parang mataba ang mukha ko. Nomal na epekto raw iyon ng steroids. Ngayong natigil na iyon, nagbalik na sa dati. At saka marami na akong nararamdaman, may pre-diabetes na rin ako.
“Noong huli kong MRI may nakita silang maliit na clot sa brain ko, dahil daw iyon sa mild stroke na ni hindi ko naramdaman. Kaya ingat na rin, every year ngayon sumasailalim ako sa isang executive check up, kailangan natin iyon basta nagkaka-edad na tayo. Hindi na tayo kagaya noong araw na bata pa tayo,” sabi pa ni Lorna T.
Pero kung ang feeling nga ni Lorna ay nagkaka-edad na siya, ano pa kaya tayo?
Natawa na nga lang kami sa aming sarili dahil maliit pa iyang si Lorna nang makilala namin. Doon pa sila nakatira noon sa bahay nila sa Paco, sa may Penafrancia. Bago pa iyon may isa silang dance group na kung tawagin ay Dance and Lollipops. Ang tanda na nga pala namin. Noon ay wala pang LRT. Ang taxi 40 sentimos ang flagdown, 20 sentimos ang kada patak. Ang bayad noon sa isinusulat namin ay P30, pero ang pakiramdam ko ang yaman ko na noon at nabibili lahat ng gusto. Bumili ako ng kotse na ang halaga ay P5,000 lamang. Nakabili ako ng sariling tv sa halagang P700, black and white. Mayroon na akong tv habang ang karamihan ang libangan ay pakikinig lamang ng drama sa radyo. Ganoon na pala katagal ang panahon, pero si Lorna simula noon hanggang ngayon, ewan kung bakit napakaganda pa rin. May mga anak na siya at may apo na rin, si Tori na kasing ganda rin ng lola. Pero si Lorna mukhang bagets pa rin.
Sana nga magbalik na iyong panahong marami na ulit pelikula, para mas madalas na nating makitang muli si Lorna. Iyong mga artista nating kagaya ni Lorna, at ni Ate Vi, na nanatiling maganda sa pagdaraan ng panahon. Sila ang dahilan kung bakit nakalulungkot na parang nawawala ang pelikulang Filipino. Marami tayong mga artistang magaganda, at ang acting ay world class. Sayang kung mapapabayan ang industriya ng pelikulang Filipino. Kung gaya lang ng mga bagong artista ngayon na inuuna ang kalandian, que se joda. Pero dahil sa mahuhusay na artista natin, hindi dapat pabayaan ang industriyang ito.