CAINTA, RIZAL — Sa kabila ng paghahanda sa kanyang kampanya para sa bagong hamon sa public service, nakisaya si senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson sa selebrasyon ng Sumbingtik Festival 2024 sa Cainta, Rizal.
Ang Sumbingtik Festival — halaw sa mga sikat na produkto ng Cainta na suman, bibingka at latik – ay ipinagdiriwang upang itampok sa buong mundo ang cultural at culinary heritage ng probinsiya.
At ngayong taon ay kasama si Manong Chavit sa mga nakiisa sa mga taga-Barangay Sto. Niño para mai-showcase ang likas na kagalingan ng mga taga-Cainta pagdating sa pagluluto ng mga kakanin.
Noong 30 Nobyembre, kasama si Manong Chavit, ay pinangunahan nina Cainta Mayor Elenita “Elen” Nieto at municipal administrator Johnielle Keith “Kit” Nieto ang float parade na nagsuot ng tradisyonal na kasuotan ng mga etnikong Pinoy (noong bago sakupin ng mga Kastila ang bansa) ang mga dumalo habang nakasakay sa magagarang floats.
Si Manong Chavit, na nakasuot bilang Raja Sulayman, ang siyang panauhing pandangal at sumakay din sa isang napakagarang float.
Doon, ibinahagi niya ang kanyang mga adhikain sa Senado, gaya ng modernisasyon ng mga public utility vehicles (PUV) sa pamamagitan ng pagbibigay ng pautang na zero down payment, zero interest, at zero collateral sa mga drivers at operators.
Isinusulong ni Manong Chavit ang transisyon sa paggamit ng electric vehicles gaya ng e-trikes, motorcycles at e-jeepneys.
“Handa akong magpautang at tumulong sa ating mga drivers at operators nang walang interes at walang down payment dahil nais kong makaagapay sila sa pag-unlad,” ani Manong Chavit na Number 58 sa senate ballot.
Inilahad rin niya ang kanyang programa na Chavit 500 – isang universal basic income proposal na naglalayong magbigay ng buwanang P500 sa mga minimum wage earners pababa at ang nalalapit na paglulunsad ng VBank na tutulong sa mga ordinaryong Filipino na magkaroon ng access sa banking system sa bansa.
Bilang isang beteranong public servant, naikuwento ni Manong Chavit ang kanyang dedikasyon sa pagtulong gaya ng ginawa niya sa Ilocos Sur na mula sa isa sa pinakamahirap na probinsiya sa bansa ay naging pang-lima sa mga pinakamayamang probinsiya.
Nang itanong kung ano ang masasabi niya sa nangyayaring tensiyon sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at Vice President Sara Duterte, sinabi ni Manong Chavit na mas dapat isipin ang pagkakaisa at ang collective effort na tulungang mapaunlad ang bansa.
Nanawagan rin siya sa mga political leaders na isantabi ang mga hindi pagkakaunawaan at magtulungan upang mas mapalakas pa ang ekonomiya ng bansa.