HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKITA namin ang isang male star na gumagawa ng mga BL series sa internet sa isang coffee shop sa Makati. Mukhang pagod na pagod dahil galing daw sa isang mahabang biyahe at siya mismo ang nagmaneho sa mga kliyente niya sa real estate at mga kotse na siya naman niyang trabaho talaga.
Ang nangyari naman sa kanya ay nakilala nga niya si Direk, at dahil pogi naman talaga, inalok siyang maging artista, pumayag naman siya agad. Isinama siya ni direk sa isang gay internet series at napansin naman siya agad ng mga tao dahil pogi naman talaga. Tapos niligawan na siya ni direk, na sa kanya ay ok lang naman. Medyo liberal na kasi ang takbo ng isip ng bagets.
Sa sumunod na serye ay binigyan siya ng mas mahabang role, kaya mas napansin siya ng mga tao at nagkaroon na ng fans. Sa sumunod na assignment siya na ang bida sa serye, na lalong nagparami sa kanyang mga tagahanga. Bukod naman kasi sa pogi magaling din siyang umarte.
At dahil bida na nga nabigyan siya ng publisidad kahit na puro sa social media lang. Pero bigla raw sinabi ni direk na dahil napasikat na naman siya, dapat mas pagbigyan na niya iyon. Hindi lang naging malimit ang kanilang dates, gusto pa siyang gawing girl ni direk. Doon daw hindi na siya pumayag dahil ang feeling niya pambababoy na iyon sa kanya. Alam niya disappointed si direk dahil sa sumunod na project, binigyan lang siya ng isang maliit na kontrabida role, at ang ginawang bida ay ibang male star na payag sa gusto ni direk after the shoot. Sa sunod pang project, may kinuha na namang mga baguhan si direk at hindi na siya kasali.
Kaya ang ginawa niya, binalikan na lang niya ang dati niyang trabaho bilang ahente ng mga second hand cars at real estate. At least nga naman masasabing marangal ang kanyang hanapbuhay at hindi niya lubusang kinalakal ang kanyang katawan at pumayag na lubusang maabuso para kumita lang ng pera. Dapat talaga matigil na iyang mga sexual abuse na ganyan eh. Pero ayaw naman niyang magdemanda, “dahil nakahihiya rin naman para sa akin iyon, at ano ang magiging reaksiyon ng girlfriend ko kung malalaman niyang pumatol ako sa ganoon? May karma naman eh, at saka bayaan mo na lang iba ang magreklamo sa kanya,” sabi ng male star. At least nakatakas na nga naman siya sa ganoong buhay.
Iyon din namang male starlet na ipinalit ni direk sa kanya, nilayasan na rin si direk dahil sumama sa isang high government official at isang tv personality na nagbigay sa kanya ng bahay at lupa at isang magarang luxury car.