ni GERRY BALDO
SINASALO man ng House Quad Committee ang mga banat sa kanila, hindi nito palalagpasin ang ginagawang pagkakalat ng kasinungalingan ng mga bayarang vlogger na nagpapakalat ng maling impormasyon sa iba’t ibang social media platform upang sirain ang mga miyembro ng komite.
Kaya hiniling ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chairperson ng House QuadCom sa National Bureau of Investigation (NBI) na tukuyin, imbestigahan, at asuntohin ang mga vloggers na binabayaran ng mga sindikato ng ilegal na droga at POGO upang magpakalat ng kasinungalingan.
Sumulat si Barbers kay NBI Director, Judge Jaime B. Santiago upang imbestigahan ang mga ‘organisadong vloggers’ na animo’y binuo upang sirain ang integridad ng komite at magdulot ng kalitohan, kawalang-tiwala, at malinlang ang publiko.
Sa sulat, na may petsang 25 Nobyembre 2024, hiniling ni Barbers kay Santiago na tulungan ang QuadCom na imbestigahan at tukuyin ang mga indibiduwal at grupo na nasa likod ng paninira at kalapin ang mga maling impormasyon na ipinakakalat ng sinabing grupo para gamiting ebidensiya.
May isinumite rin si Barbers na mga paunang ebidensiya sa NBI partikular ang ipinakalat na siya at ang kanyang kapatid na si Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers ay sangkot sa ipinagbabawal na droga.
“Very obvious na well-organized at bayaran ang mga vloggers na ito na gustong sirain ang pangalan ko, ng kapatid ko, at mga Quadcom members. Sabi nila, ito ‘yung mga bayarang grupo ng tagapagkalat ng kasinungalingan. Siguro nasasaktan na ang kanilang mga employers na POGO operators at drug lords dahil sa patuloy na Quadcom investigations,” sabi ni Barbers.
Kapag nabuo na ang mga ebidensiya, sinabi ni Barbers na maaaring nang sampahan ng kaso ang mga vloggers alinsunod sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Subject to the appreciation of your good office, these charges may include the crimes of Libel (Art. 353 RPC), Sedition (Art. 139 RPC), Conspiracy to Commit Sedition (Art. 142 of RPC). Incriminating Innocent Person Act (Art. 363 RPC) and Intriguing Against Honor (Art. 364 RPC) – all in relation to Sec. 6 of the Cybercrime Prevention Act,” sabi ni Barbers.
Kompiyansa si Barbers sa kakayahan ng Cybercrime Division ng NBI na matutugunan ang mga cyber-related offense, partikular ang mga naglalayong guluhin at sirain ang isang pampublikong proseso. Ang mga bloggers ay gumagawa ng written content gaya ng mga artikulo, tutorials, at istorya samantala ang mga vloggers ay gumagawa o nagre-rekord ng video contents na kanilang ipino-post sa iba’t ibang social media platforms gaya ng YouTube at Tiktok.
Ang QuadCom ay binubuo ng Committees on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Barbers; Public Order and Safety na pinamumunuan ni Laguna Rep. Dan Fernandez; Public Accounts na pinamumunuan ni Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Joseph Paduano, at Human rights na pinamumunuan ni Manila Rep. Benny Abante.
Binuo ito upang imbestigahan ang koneksiyon ng ilegal na operasyon ng POGO, sa kalakalan ng ilegal na droga at extrajudicial killings sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ng Duterte administration.