ni Allan Sancon
“NAGSOLO ka na eh, bakit kailangan mong kantahan ‘yung ‘Forevermore?!.” Ito ang matapang na tinuran ni Ernie Severino, drummer ng Side A ukol sa pagiging viral ng usaping pinagbawalang kantahin ito ng dati nilang bokalistahang si Joey Generoso.
Sa katatapos na media conference ng Side A Band na kinabibilangan nina Leevon Cailao (lead guitarist), Naldy Gonzales (Keyboard player), Ned Esguerra (bass guitar), Ernie (drummer), at Yubs Esperat (lead vocalist), kasama si Janine Teñoso para sa Bonded by Sound concert, mainit na pinag-usapan ang issue, ang pagbabawal daw nila kay Joey, dati nilang bokalista sa pagkanta ng Forevermore.
“A few weeks ago, nag-announce si Joey Benin, composer ng ‘Forevermore,’ isa rin sa original member ng Side A many many years ago. Pinagbabawalan niya si Joey Generoso na kantahin ang ‘Forevermore.’
“Marami ang nag-react at naging viral ito. Marami ang nag-aaway, sila nag-aaway. Hindi naman kami sumasali. A few days ago after their reactions, siguro nag-react din si Joey G, nagpalabas na ng statement si Joey B explaining why he forbid Joey Generoso to sing ‘Forevermore.’
“Na kung ire- review natin ‘yung statement niya na ang kantang ‘Forevermore’ is for Side A only. Pwede niyang (Joey Generoso) kantahin ‘yung kanta kung kasama pa siya sa Side A. At dahil hindi na siya kasama sa Side A, it’s fair, huwag na niyang kantahin. Kasi naranasan namin ito eh noong umalis si Joey G eh at nagbuo siya ng grupo niya.
“Even during the time nag-exist pa siya sa amin. Pinagsabay niya. Strange for me and for others na ‘yung playlist namin ay nagkakapareho.
“So, parang ang iniisip ko, eh ‘nag-solo ka na eh, bakit kailangan mong ulitin ‘yung ginagawa ng Side A? So, parang nagkaroon ng confusion sa mga tao. Parang nagiging dalawa ‘yung Side A. Everytine na lalabas siya laging may nakakabit sa kanya na formerly from Side A. It happened many many times, so pinababayaan lang namin ‘yun.
“Eventually it came to a point that Joey Benin got his attention at sinabi niyang tigilan na natin ito. Ayusin natin na ‘wag ng ganoon. Kasi hindi okay at confusing, parang hindi na tama. Nag solo siya tapos he also sings the same Side A playlist. Hindi lang ang ‘Forevermore,’ even the other Side A songs which was arranged at pinaghirapan din ng other members ng Side A members,” paglilinaw ni Ernie.
Iginiit naman ni Ned na hindi silang Side A members ang nagbawal kay Joey G na kantahin ang Forevermore kundi ang composer nitong si Joey Benin na siya lang naman ang talagang may karapatang magbawal dahil siya ang gumawa niyon para sa Side A.
Pinamagatang Bond By Sound: Side A and Janine Teñoso Benefir Concert na magaganap sa November 30, 2024, 8:00 p.m. sa The Theater at Solaire ang concert na tiyak aabangan hindi lang ng fans ng Side A maging ng mga Gen Z fans ni Janine na produced ng Sonic Sphere Production, Inc..
Ang kikitain sa concert ay para sa pagpapatayo ng San Pedro Calungsod Church.