SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ILULUNSAD ng ilunsad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ang Tara, Nood Tayo! infomercial kasunod ng pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na isulong ang kapakanan ng industriya ng pelikula at telebisyon sa Pilipinas habang pinalalawig ang kampanya sa angkop na pagpili ng palabas para sa pamilyang Filipino.
AngTara, Nood Tayo!infomercial ay sumasalamin sa inisyatiba ng administrasyong Marcos tungo sa isang Bagong Pilipinas para sa responsableng paggamit ng media.
Nobyembre 12, 2024, pormal na nilagdaan ng MTRCB, Presidential Communications Office (PCO), Philippine Information Agency (PIA) at ng Office of the Executive Secretary (OES) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa produksiyon ng Tara, Nood Tayo! infomercial sa New Executive Building, Malacañang Palace, Maynila.
Dinaluhan ito nina MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, PCO Acting Secretary Dr. Cesar B. Chavez, PIA Director-General Ms. Kath De Castro, at OES Assistant Secretary Jomar Canlas.
Binigyang-diin ni Sotto-Antonio na ang kolaborasyon na itaas ang kamalayan sa industriya ng paglikha at ng pamilyang Filipino sa pamamagitan ng pagsulong ng angkop at tamang pagpili ng mga palabas na panonoorin.
“Ang sanib-puwersang ito ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay sumasalamin sa aming dedikasyon na magkaroon ng isang ligtas at maunlad na industriya ng paglikha, na umaayon sa pananaw ni Pangulong Marcos, Jr. para sa isang Bagong Pilipinas na mapanuri at akma sa tiyempo ng responsableng panonood,” giit pa ni Sotto-Antonio “Layunin namin na hindi lamang magbigay ng impormasyon kundi matulungan na maiangat ang industriya ng telebisyon at pelikula sa pamamagitan ng pagpapalakas sa paglikha ng lokal na mga palabas na hindi lang nakaaaliw kundi may aral ding mapupulot.”
Sa ilalim ng kasunduan, layunin din ng proyekto na palakasin ang pakikipagtulungan sa mga stakeholder at mahikayat ang mga Filipino na suportahan ang mga lokal na pelikula at programa sa telebisyon.
Ang Tara, Nood Tayo! infomercial ay ipalalabas sa telebisyon at mga sinehan bago simulan ang pelikula o palabas. Mapapanood din ito sa iba’t ibang social media platforms, digital media, at tradisyonal na broadcast media.
“Sa mga kasamahan natin sa lingkod-bayan—ang PCO, PIA at OES—maraming salamat sa inyong pagsuporta at pakikipagtulungan sa amin sa MTRCB,” pagtatapos ni Sotto-Antonio.