ni GERRY BALDO
ISINAWALAT ni Rolan “Kerwin” Espinosa sa ika-walong pagdinig ng Quad Committee sa Kamara de Representantes na tinakot siya ni dating Philippine National Police (PNP) chief, ngayon ay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, para isangkot si dating senador Leila de Lima at negosyanteng si Peter Lim sa umiiral na kalakaran ng droga sa bansa.
Ayon kay Kerwin, hinahanap niya ang hustisya para sa tatay niyang si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, na pinaslang sa loob ng kulungan noong 5 Nobyembre 2016, matapos sumuko sa pulis.
Ayon kay Espinosa, nasakote siya sa Abu Dhabi, at pagdating sa bansa ay agad kinausap ni Dela Rosa noong 17 Nobyembre 2016.
“Sinundo ako ng mga pulis dito sa atin, ang sumundo sa akin si General Bato, inakbayan niya ako papunta sa sasakyan,” ayon kay Espinosa.
Habang nasa loob ng bullet-proof na Land Cruiser, sinabihan siya, umano, ni Dela Rosa na akuin ang pagka drug dealer niya at isangkot din si De Lima at si Lim.
“Sinabihan niya ako na aminin mo na sangkot ka sa kalakaran sa droga dito sa Filipinas at idawit ko si Peter Lim at si Leila de Lima para madiin na sila,” ani Espinosa.
Si De Lima ay nakulong sa loob ng pitong taon at inabsuwelto kamakailan sa mga paratang na may kinalaman siya sa bentahan ng droga.
“Kung hindi raw ako sumunod sa plano, puwedeng mangyari sa akin ang nangyari sa ama ko, isa sa mga pamilya ko ang mamatay din,” saad ni Espinosa.
Aniya, pati ang aktor na si Richard Gomez ay ipinadadawit ni Bato sa droga ngunit hindi niya ito ginawa.
Inalala ni Espinosa na nakitira ang tatay niya sa bahay ni Bato sa Camp Crame bago inilipat sa Baybay Provincial Jail kung saan siya pinaslang.
“Nagmamakaawa ang aking ama, ‘Sir, huwag n’yo po akong patayin,’ pero wala, binaril pa rin siya,” ani Kerwin.
“Ang aking ama at ang aming pamilya ay naging biktima ng extrajudicial killings. Napakasakit po sa amin ang pagkawalay ng napakaraming inosenteng buhay,” aniya.
“Ang aking ama ay mabuting naglingkod sa aming mahal na lungsod ng Albuera, ngunit ang kanyang mabubuting layunin ay hindi natupad dahil pinatay siya,” dagdag niya.
“Matagal na po kaming naghihintay ng hustisya. Alam ko po na ang aking ama, saan man siya ngayon, ay naghihintay din ng katarungan,” ayon kay Kerwin.