HINDI nagimbal sa dalawang holdaper, isang sari-sari store owner ang lumaban sa mga pusakal, ngunit dahil walang kasama sa pagtatanggol nabigong maisalba ang kanyang buhay sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Ruel Bañas Macasinag, 47, may-asawa, businessman, residente sa Balod St., Congressional Ext., Brgy. Culiat, Quezon City.
Sa naantalang report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:20 am nitong Lunes, 7 Oktubre, nang maganap ang krimen sa tindahan ng biktima sa Brgy. Culiat sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Lorenz Mappala, nasa loob ng kanyang sari-sari store ang biktima nang dumating ang dalawang armadong suspek na sakay ng itim na Honda click motorcycle.
Bumaba ang back rider at agad tinutukan ng baril ang biktima saka nagdeklara ng holdap.
Hindi nasindak ang biktima at nanlaban saka tinangkang agawin ang baril ng suspek ngunit nadulas at bumagsak sa semento.
Dahil dito, lumapit ang isa pang suspek upang tulungan ang kanyang kasamahan at paulit-ulit na binaril ang negosyante.
Nang makitang duguan ang biktima, tumakas ang mga suspek patungo sa hindi malamang destinasyon sakay ng kanilang getaway motorcycle.
Isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) ng anak na si Mary Grace ang ama sakay ng tricycle, ngunit idineklarang dead on arrival bandang 11:56 am, ni Dr. Tulip Jan Micaramdayo sanhi ng mga balang tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dumating sa pinangyarihan ng krimen ang SOCO team mula sa QCPDFU sa pangunguna ni P/Captain Eric Angay Angay. Limang basyo ng bala ang nakuha sa lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. (ALMAR DANGUILAN)