SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INAMIN ni Rufa Mae Quinto na nasabik siyang magtrabaho sa harap ng kamera pero nilinaw na priority niya pa rin ang anak na si Athena (7) at ang asawang si Trevor Magallanes.
Kasama si Rufa Mae sa pelikula ng UxS (Unitel x Straightshooters), ang Mujigae na pinagbibidahan nina Alexa Ilacad, Kim Ji soo, at ng batang si Ryrie Sophia at kitang-kita namin ang excitement dito nang dumalo sa presscon nito kamakailan na isinagawa sa Sequioa Hotel sa Quezon City. Matagal din naman kasi siyang nawala sa showbiz at nanirahan sa Amerika para roon tutukan ang pamilya.
“Na-miss ko ang showbiz. Pero ang laging iniisip ko ang anak ko. Pero parang siya na rin mismo ang nagsasabi ng, ‘sige ma work ka na muna.’ Lagi ko kasing iniisip din na ‘ano tatanggapin ko ba? Baka kailangan pa niya ako.’” ani Rufa Mae.
Naibahagi ni Rufa Mae na hindi niya ine-expect na mabibigyan siya ng second chance sa showbiz dahil sa ilang taon ding pagkawala niya sa showbiz. Hindi rin kasi siya agad nakauwi lalo’t sa Amerika siya inabutan ng pandemic.
“Actually, hindi ko inaasahang makababalik ako (showbiz). Hindi ko rin alam kung ano…kinukuwestiyon ko ang sarili ko noon and ganoon pala after niyong pandemic. Sabi ko, ‘ano ang kahihitnan ko? Ganito lang? Maganda naman ang buhay ko, pero normal na tao, wala akong trabaho roon, ‘yung alaga lang—housewife, mommy, ganyan. Tapos sabi ko, ‘bakit ganito?’ kasi nasa US ka na,” paglalahad ng komedyana.
Kaya naman noong makauwi ng Pilipinas nasagot ang lahat ng agam-agam niya. Napatunayan din niyang click pa rin siya sa madlang people lalo na nang mapasama siya sa It’s Showtime.
“Nag-e-enjoy ako pero parang hindi ko na rin alam kung bakit nangyari ‘yun. Siguro kapag mabuti kang tao, nakatutuwa ka, may magaganda rin sa jokes at siguro kasi ang generation ko iba sa ngayon,” sabi pa ng aktres.
Special participation lamang si Rufa Mae sa pelikulang Mujigae (Rainbow) pero na-enjoy niya ng role niya na ang istorya ay iikot sa isang batang five year old that can heal broken bonds. Isang masayahin at mabait na bata si Mujigae (Ryrie) na inalagaan ng kanyang tiyahin na si Sunny (Alexa). Susubukin ng tadhana ang kanilang masayang pamumuhay pagdating ng tunay na tatay ni Mujigae (Kim Ji Soo). At dito magsisimula ang twists and turns ng kuwento.
Kasama rin sa pelikula sina Richard Quan, Donna Cariaga, Kate Alejandrino, Anna Luna, at Cai Cortez. idinirehe ni Raldolph Longjas.