BLANKO pa rin ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa brutal na pagpaslang sa magpinsang senior citizen na natagpuang halos naaagnas na ang mga bangkay sa kanilang bahay sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.
Sinabi ni P/Lt. Col. Morgan Aguilar, hepe ng Novaliches Police Station 4, bagamat may mga persons of interest na sila ay masyado pang maaga para ituring na mga suspek sa pagpaslang sa magpinsang sina Elpidio Aguillon Agduyeng, 71, at Imelda Barcase, nasa edad 60-65, sa loob ng kanilang tahanan sa Blk 10 Lot 10 Espoleto St., Saint Francis Village, Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City, bandang 3:00 am nitong Sabado.
“Mga persons of interest pa lang po, hindi pa natin masabing suspect,” ayon kay Aguilar.
Aniya, walang senyales ng sapilitang pagpasok sa bahay kaya hindi nila inaalis ang pagkakaroon ng foul play dahil may mga palatandaan na sinakal hanggang sa mamatay ang mga biktima.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Jordan Barbado ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, nakaamoy ang mga kapitbahay ng masansang na amoy na nagmumula sa tahanan ng magpinsang senior citizen.
Dahil dito, nagpasyang puntahan ni Sigfrid Galez Amante, pesidente ng Homeowner’s Association ng village, kasama ang mga pulis ang bahay ng magpinsan.
Doon ay nadiskubre ang bangkay ni Barcase sa loob ng cabinet na nasa ilalim ng lababo habang ang pinsan na si Agduyeng ay nakahandusay sa sahig ng banyo.
Dumating ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Captain Darrel Rey Ebol at sa kanilang pagsusuri ay nasa stage na ng decomposition ang mga bangkay ng biktima.
Hinihintay ng pulisya ang resulta ng autopsy upang mabatid kung paano pinaslang ang mga biktima. (ALMAR DANGUILAN)