SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
DINUMOG ng mga Lipeño ang Christmas Tree Lighting and 100 ‘Hope’ Days Before Christmas na isinagawa sa Big Ben Complex, Lipa City noong Lunes ng gabi.
Taon-taong ginagawa ng Big Ben management sa pangunguna ni Joel Umali Peña ang Christmas Tree Lighting at 100 Days Before Christmas pero espesyal ang taong ito dahil sa paglalahad ng 100 Hope. Layunin kasi ng 100 Hope na hikayatin ang mga indibidwal na huwag mawalan ng pag-asa at makahanap ng liwanag sa gitna ng kadiliman.
Ngayong taon maghahayag ng kanya-kanyang Wishes ang bawat indibidwal na mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad.
Nauna mang magpahayag ang 12 katao ng kanilang Hope o Wish noong Lunes. At simula noong Martes hanggang sa araw ng Kapaskuhan, makikita ang kanilang Wish sa Facebook page ng Big Ben Complex
Sabi nga ni Joel, “Sa bawat lungkot, kasunod ang kasiyahan. Sa mga panahong kailangan mo ng Karamay, may isang kamay na handang umalalay.”
“Iba-ibang tao ang itatampok para magbigay ng kani-kanilang HOPE. Ang mga ito ay posibleng maybahay, doktor, pulis, mga simpleng tao, milyonaryo, nag-oopisina, representative ng LGBTQIA+, artista o preso, rape victim, politiko.
“Pinaka-espesyal na masasabi konh nagbigay ng Hope message ‘yung pari na nanalangin, nagdasal para sa taumbayan,” sabi pa ni Joel.
Dinaluhan ang naturang event nina Lipa Mayor Eric Africa na nagbigay ng makabuluhang mensahe at ni Batangas Vice Governor Mark Leviste na maaga pa lang ay maagang dumating sa Big Ben Complex para personal na makipag-usap sa mga dumalo sa pagdiriwang.
“Ang Christmas tree namin ay warm white ang color. Every year ginagawa namin na lights lang muna talaga. This year nilagyan namin iyon ng white light at sa kabuuan ay 100 white light ang aming bubuksan na sa bawat araw na nagpi-feature ng Hope, isang white light ang bubuksan,” esplika ni Joel.
Ang malaking Christmas tree ay matatagpuan sa harapan ng Big Ben Complex na tiyak na sinuman ang tumingin ay masisiyahan.
“Open ang aming Hope messages kahit kanino, kahit hindi taga-Lipa, kahit nasa abroad, OFW na gustong mag-share ng kanilang hope o wish.
‘“Yung hope na ito pwede ukol sa kanilang health, pangkahuhayan, mahal sa buhay, pansariling pngangailangan. Kahit ano,” pagbabahagi pa ni Joel.
At dahil taga-Lipa si Ms Vilma Santos natanong namin kay Joel kung may posibilidad bang makapagbahagu rin ng kanyang hope o wish ang premyadong aktres?
“Kahit sino pwede mag-share ng hope kahit driver, street sweeper. And yes even si Ate Vi sana mahilingan namin siya na makapag-share rin ng kanyang Hope,” giit pa ng napaka-aktibong organizer na nagsabing marami pang dapat abangan sa kanila bago mag-Pasko.
“Yes magiging exciting din ang aming trick or treat na ang theme ay cosplay.”
Bukod sa programa at magagandang Christmas decor pinuno rin ng mga pagkaing kinakain tuwing Pasko ang event tulad ng pandesal hamon, bibingka, putobumbong, salabat, mansanas, iba’t ibang klaseng prutas at iba pa.
“This year Christmas is all about the love of Jesus, so happy-happy lang. People will be featured and sana masuportahan sila. Christmas is love, cooperation and full of hope,” wika pa ni Joel kasabay ang pagbabahagi ng kanilang hastag na #EatPrayLoveHoliday.