SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI kami nagmamadali. Ito ang tinuran ni Rhian Ramos nang mausisa kung may plano na ba silang magpakasal ng TV host-public servant na si Sam Versoza.
Sa thanksgiving party na in-organize ni SV sa Manuel L. Quezon University sa Maynila, sinorpresa ng aktres ang katipan at dumalo ito sa pgbabahagi sa masusuwerteng kababayan na napili ng programang Dear SV na mabiyayaan ng food business bilang bahagi na rin ng birthday celebration ng kongresista.
At dahil tatlong taon na ang relasyon nina Rhian at Sam inusisa namin kung wala pa bang planong magpakasal ang dalawa.
“Ang dami kong natutunan. Not just about relationships, about myself din, about Sam, about being a good partner, and what that really means, what healthy communication is,” ani Rhian ukol sa tatlong taon nilang relasyon.
“Siyempre kapag may away, doon mo lang matututunan kung ano ang healthy communication and healthy arguing. Ngayon ko lang talaga nadi-discover. We try to be as patient with each other as possible. We support each other no matter what,” sabi pa ng magandang dalaga.
“Nag-grow ako as a person. I’ve matured. Ito na ‘yung one of the best versions of myself.
“Dahil sa kanya nga, lalo pang nailabas ‘yung mga magaganda sa akin at nabawasan ‘yung mga hindi magaganda at nabago ko ‘yung hindi magagandang ugali. Lahat ‘yun nagawa ko dahil sa pagmamahal,”sabi naman ng TV host.
At dahil kapwa abala sa kani-kanilang career nahihirapan ang mga ito na makahanap ng oras para magkaroon ng mahaba-habang oras para sa isa’t isa.
“Ngayon pa lang, hirap na kaming gumawa ng time. Ginagawan na lang talaga namin ng paraan, we’ll have a couple of hours together,” sabi pa ni Rhian.
“Kapag nagta-travel, mas nakikilala namin ang isa’t isa kasi walang istorbo. Napag-uusapan ang buhay, ang future, naaayos ang hindi napag-uunawaan,” sabi naman ni SV.
At nang matanong ang dalawa ukol sa pagpapakasal, sinabi ni Rhian, “Mahaba pa ang life. Hindi naman kami nagmamadali. Darating din ‘yan.”
Sumang-ayon naman dito si SV, “Lahat may tamang panahon. Darating po ‘yan. Siyempre ‘yung future namin, napapag-usapan namin. We’re both mature individuals.“