RATED R
ni Rommel Gonzales
FULL TIME na sa pagiging direktor ang aktor na si Mike Magat kaya natanong namin kung sinong artista ang nais niyang idirehe.
“Si Liza Soberano,” mabilis niyang sagot.
Sa lalaki?
“Actually lahat naman eh, gusto ko lahat idirehe,” at tumawa si Mike.
Pero may isang partikular na pangalan siyang binanggit.
“Gusto kong idirehe si direk Coco Martin. Siyempre sikat si direk Coco Martin, kumbaga nagdidirehe na rin siya ngayon, pero nagkasama na kami.”
Naging artista na ni Coco si Mike sa Ang Probinsiyano dati.
“Sa ‘Probinsiyano,’ tapos that time na ‘yun, si direk Coco, nagkasama rin kami sa mga ibang ano… sa show, minsan nagkasama kami.
“So magkakilala talaga kami ni direk Coco.
“Kaya iyon, sa ngayon… hindi naman sa pag-aano, gusto ko rin siyang idirehe pagdating ng panahon, ‘pag ‘yung gusto niyang magpa-direhe sa akin,” at muling natawa si Mike.
“Kasi ngayon siyempre sobrang busy niya, at hindi mo alam kung kailan ka niya…kailan mo siya maididirehe.”
At pareho sila na idinidirehe ang sarili nila.
“Oo. Ang mahalaga rito, ano eh, masaya kami, passion namin ‘yung ganyan eh, kahit umaarte kami, nagdidirehe rin kami.
“Pinaka-importante sa showbiz iyon, sa industry, na huwag kang matakot.
“Iyan katulad nga ni direk Coco, unti-unti nakita ko rin siya kung paano siya nagsikap, nagsimula sa baba at seryoso. Nakita ko rin noon, that time na ‘yun, parang nakikita ko sa kanya, na sabi ko nga, talagang magtutuloy-tuloy ang kanyang pagsikat, dahil very strict. ‘Pag acting, acting, shooting, shooting, at saka talagang inaayos niya lahat.”
Si Mike ang direktor ng Seven Days na siya rin ang bidang artista.
Leading lady niya rito si Mrs.Tourism World Philippines-Japan 2021 na si Catherine Yogi.