ISANG lalaki ang napatay, at dalawa ang sugatan makaraang pagsasaksakin ng isang holdaper sa tapat mismo ng tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Christian Zorbito Dahes, 33, residente sa Dapitan St., Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.
Nakaratay at ginagamot sa Quezon City General Hospital ang mga biktimang sina John Aaron Kabigting, 16, residente sa Ma. Clara St., at Jonalyn Mazo Guerrero, 38, ng P. Florentino St., kapwa sa Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.
Samantala, naaresto ang suspek na kinilalang si Arnel Abrasado Asoy, 31, nakatira sa Blk-36 Damayan St., Road 12 NDC Compound, Brgy. 626, Sta. Mesa, Maynila.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente dakong 11:00 pm nitong Miyerkoles sa harap ng tanggapan ng NBI sa Maria Clara St., corner G. Araneta Avenue, Barangay Sto. Domingo, Quezon City.
Ayon sa saksing kinilala sa alyas na Eunice, nakita niyang pinagsasaksak ng suspek si Dahes at mabilis na tumakas dala ang balisong.
Nakasalubong ng suspek si Kabigting na kanyang hinoldap ngunit nanlaban at tumakbo ngunit sinundan pa rin ng suspek hanggang makorner at pinagsasaksak.
Dito sumaklolo ang biktimang si Guererro na tinangka rin holdapin ng suspek saka inundayan din ng saksak.
Nagkataong nagpapatrolya ang mga pulis na sina P/MSG Mark Joseph Alonte at P/Cpl. Mark Anthony Bassig ng PS-1 QCPD sa lugar kaya naaresto ang suspek.
Inihahanda na ang isasampang kaso laban sa supek na si Asoy. (ALMAR DANGUILAN)