SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TIGAS man sa pagtanggi sina LA Santos at Kira Balinger sa tunay na estado ng kanilang relasyon, mababanaag naman ang tila espesyal na pagtitinginan ng dalawa sa mga interbyu at kapag magkasama.
Sa presscon ng Maple Leaf Dreams na pinagbibidahan ng dalawa handog ng 7K Entertainment at Lonewolf Films na idi-distribute ng Quantum Films at mapapanood sa mga sinehan simula sa Setyembre 25, ibinuking at tinutukso-tukso naman sila ng kanilang direktor na si Benedict Mique.
New experience para kay LA ang karakter na ginagampanan sa Maple Leaf Dreams. “‘Yun po ang nagustuhan ko rito sa movie kasi mostly talaga na nagpupunta ng Canada ay young couples din.”
Kuwentong OFW ang Maple Leaf Dreams na ipakikita ang struggles nina LA at Kira sa pelikula lalo na ang huli na pinagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho na naging dahilan kaya lagi siyang pagod at nagkaroon ng conflict sa pagsasama nilang dalawa.
Kinumusta namin si LA sa pakikipagtrabaho kay Kira at nasabi niyo na, “Mabuti naman po kami and 16 days kami nag-shoot sa Canada. Matagal din kami roon at sobrang thankful and grateful na si Kira ang nakasama ko. Kasi ang laking tulong na naibigay sa akin hindi lang sa karakter ko pati sa personal.
“Ito yung first time na magkasama na kaming dalawa talaga though nakapag-trabaho na kami twice sa mga serye.”
Nang kumustahin naman ang estado ng pagiging crush niya kay Kira, ani LA, “crush pa rin naman,”natatawa nitong tugon.
“Alam naman ni Kira, nasabi ko sa kanya (crush) and ‘yun ang gusto ko sa kanya sobrang passionate niya sa trabaho dahil hindi naman madali ‘yung work namin. ‘Yung simpleng may kaibigan ka lang o nakakausap sa industry malaking bagay na.”
At dahil 16 days sila sa Canada inusisa namin si LA kung paano niya inalagaan ang kanyang leading lady?
“Maalaga naman po ako sa lahat ha ha ha. Dahil kaming dalawa lang ang nasa Canada that time kapag may time kami, rest day naggagala kami. ‘Yun na rin ang pampa-happy namin. Kaya memorable rin sa akin kasi working vacation. Pero ‘yung makasama siya sa Canada sobrang iba po.”
Hindi mo ba sinamantala na kayong dalawa lang doon para manligaw, susog na tanong namin sa binata. “Kahit naman po rito sa Pilipinas pinagsasamantalahan ko na ha ha ha,” biro ni LA. “Kaya happy-happy lang kami pareho at lagi akong andyan para sa kanya. Ano pa lang crush crush pa lang at saka na ligaw.”
Sinabi rin ni La na may mga na-discover pa siya kay Kira habang nasa Canada. “Grabe ang bubog niya na pinagdaanan sa buhay and experience hindi lang sa showbiz pati sa personal na buhay na ‘yun ang naa-appreciate ko sa kanya na kahit grabe ang bubog niya sobrang nadadala ang sarili at nagagamit niya kaya ang galing niya talaga.”
Natanong din kung boto ang kanyang Mommy kay Kira? At natatawang sagot nito, “sana po, sana boto siya.”
Ang Maple Leaf Dreams ay handog ng 7K Entertainment at Lonewolf Films na mapapanood sa Setyembre 25, mula sa direksiyon ni Benedict Mique.