MAHIGPIT na inatasan ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan si Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Arnold Thomas Ibay na agarang busisiin at resolbahin ang ginawang pamamaril at pagpaslang sa isang empleyado ng Office of the Mayor, Manila City Hall, naganap noong Lunes ng hapon sa Tondo, Maynila.
Sa pahayag ni Lacuna, sa pagdalo sa ginanap na pulong balitaan ng Manila City Hall Reporter’s Association (MACHRA) sa Harbor View, kinilala ang biktimang si Beloy Ocampo.
Inamin ni Lacuna na malapit sa kanya ang biktima na empleyado ng Manila City Hall bilang sound system technician sa mga aktibidad sa Bulwagang Villegas ng Manila City Hall.
Kaugnay nito, maagap na nagbigay ng direktiba si Lacuna kay Ibay na alamin kung ano ang motibo at kung sino ang salarin sa pagpatay sa biktima.
“Naka-assign siya sa DPS pero sa Office of the Mayor siya nagtatrabaho, malapit siya sa akin, nakarating lang sa akin ang nangyari pero hindi ko pa alam ang buong pangyayari kaya inatasan ko si Gen. Ibay na resolbahin ito at all cost,” dagdag ni Lacuna.
Nabigo ang mga mamamahayag na makakakuha ng impormasyon sa pagkamatay ni Ocampo hanggang sa kasalukuyan.
Base sa impormasyon, pinagbabaril sa iba’t bang bahagi ng katawan ang biktima at sinabing pito ang tumama sa bahagi ng mukha at isa sa ulo
Nabatid na namatay noon din ang biktima at mabilis na tumakas ang gunman.
Kasalukyang nagsasagawa ng backtracking sa mga CCTV footage ang pulisya at iniimbestigahan ang motibo sa krimen. (BRIAN BILASANO)