Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
NAGSUMITE ng kanyang leave of absence si National Press Club Vice-President Benny Antiporda habang nasa mainit na isyung isinasangkot silang dalawa
ng dating presidente ng NPC na si Paul Gutierrez sa
kontrobersiyal na shipment ng P11 bilyong shabu na nasa magnetic filter.
Ibinunyag ng star witness, na si Antiporda ang nag-facilitate ng mga dokumento sa Bureau of Customs (BoC) para mailabas ang shipment ng nasabing kontrabando.
Kaugnay pa rin ng isyung ito, isinasangkot din ng star witness ang pangalan ni Gutierrez na umano’y kumausap sa kanya na huwag banggitin ang pangalan ng mga nasasangkot dahil magiging delikado ang buhay niya.
Si Antiporda ay nagbigay na ng kanyang denial statement at pinasisinungalingan ang mga akusasyon laban sa kanya.
Samantala si Gutierrez na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director at undersecretary ay inianunsiyo ng People’s Tonight na hindi na nila kolumnista o contributor. Ang People’s Tonight ay sister publication ng People’s Journal sa ilalim ng Philippine Journalists Incorporated (PJI).
Sa kanilang anunsiyo sa official website at social media accounts nitong 17 Agosto, inilinaw ng publikasyon na si Gutierrez ay hindi na konektado sa kahit saang Journal news platform.
Idinagdag na ang opinyon o aktibidad ni Gutierrez ay hindi kumakatawan sa tindig o mga polisiyang editorial ng publikasyon.
Si Gutierrez ay ikatlong ex-president ng NPC na naitalaga sa government service sa loob ng walong taon kasunod nina Antiporda at Joel Sy Egco, ang hinalinhan ng una sa PTFoMS.
Karapatan ng isang tao na magbigay ng kanilang statement at karapatan din ng isang tao na tumanggi sa mga akusasyon. Higit sa lahat karapatan din ng bawat tao na magsinungaling. Dahil lilitaw din ang katotohanan sa ngalan ng batas.
Higit sa lahat, ang may katawan ang nakaaalam ng katotohanan. Pero may higit na nakaaalam kung sino ang nagsasabi ng katotohanan. Kung makalulusot sa pag-uusig ng batas, hindi makaliligtas sa Itaas.
Kung minsan ang biglang pagyaman ng isang tao na dating kapos sa buhay ay may kaakibat na katanungan at kung minsan ang pangunahing dahilan ay naging matakaw sa posisyon at kapangyarihan.
Nakalulungkot isipin ang masangkot lang ang pangalan mo sa ilegal na droga, ang tingin ng tao sa iyo ay may pagdududa na at kung una pa lang galit sa iyo, ‘di ka na paniniwalaan.
Kawawa ang pamilya, lalo ang mga anak. Dasal ko na sana malampasan nila ang lahat.