KALABOSO ang isang 40-anyos lalaki dahil sa paulit-ulit na panggagahasa sa kanyang 18-anyos anak na nagresulta sa pagdadalangtao ng biktima sa Tondo Maynila.
Kinilala ang suspek na isang alyas JB Lalamove rider residente sa Tondo, Maynila.
Inireklamo ng kanyang sariling anak dahil sa pagmomolestiya at panggagahasa mula 5-anyos noong 2011 hanggang edad 18-anyos na ang pinakahuling panghahalay ay naganap nitong Linggo, 18 Agosto 2024.
Dahil sa murang edad at takot ng biktimang si alyas Yasmin (hindi tunay na pangalan) ay hindi siya nakapagsumbong sa kaanak hanggang magbuntis kaya’t nagkaron ng lakas ng loob na magsumbong na sa kanyang ina.
Nabatid na humingi ng saklolo kay Don Bosco PCP Deputy Chief P/Lt. Caroline Del Rosario ang biktima kasama ang kanyang ina.
Kasunod nito, inasistehan nina P/Lt. Del Rosario at PCMs Girlie Tubera ng Station Women’s Desk ang biktima para pormal na maghain ng reklamo laban sa suspek na sariling ama.
Kaugnay nito, agad inatasan ni Manila Police District – Station 1 (MPD-PS1) commander P/Lt. Col. Melvin Florida sina Don Bosco PCP P/Maj. Leo Labrador at P/Lt. Ferdinand Omli, hepe ng Intelligence and Follow-up Section na magsagawa ng manhunt operation upang madakip ang suspek.
Sa spotting and manhunt operations ng PS1 Composite Team ay natunton nina P/Lt. Omli ang suspek na si alyas JB sa tulong ng ilang mga kaanak at kapitbahay ng suspek.
Kasalukuyang nakadetine sa Raxabago Police Station 1 ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 (An Act Expanding the Definition of the Crime of Rape, Reclassifying the Same as a Crime Against Persons, Amending for the Purpose Act No. 3815, As Amended, Otherwise Known As The Revised Penal Code, and for Other Purposes). (BRIAN BILASANO)