“WE’RE sorry if we’ve been very hurtful to her, siyempre may pangalan din naman ‘yung tao kahit paano.” Ito ang nasambit ng producer/model na si Marc Cubales matapos mapadalhan ng warrant of arrest at madala sa presinto ang BG producer na si Baby Go noong Huwebes ng umaga.
Dinakip ng Mandaluyong police si Baby Go dahil sa demandang estafa na ipinagharap ng mag-asawang Marc ar Joyce Penas Pilarski Cubales.
Ani Marc, “We’re public figure hindi ba dapat hindi gumagawa ng ganoon? Ingatan mo rin dapat ang pangalan mo. Hindi ka gagawa ng anumang ikasisira mo kasi everything will reflect to you.”
Si Atty Rani Supnet ng Supnet Apoderada Law ang abogado ng mag-asawang Marc at Joyce na nag-file P25-M estafa case laban kay Go. Nakapag-piyansa rin kinagabihan si Go.
Ani Joyce ang P25-M estafa ay iyon lamang documented na nautang sa kanila ni Go at mas malaki pa ang wala roon tulad ng mga withdrawals nila sa ATM na naiiaabot ng personal ng walang pirmahan o anuman sa itinuring nilang kaibigan.
Aminado si Joyce na malaki ang epekto ng nangyari sa kanya. “Andyan ‘yung inaway na ako ng family ko, friends ko, pati kami ni Mark minsan kasi nga nagtataka sila bakit ganoon. Bakit sobrang bait ko na anytime na nagsasabi, humihiram sa akin ng pera bigay naman ako,” pagbabahagi ni Joyce na nagsimula ang pagkakaibigan nila minsang magkita at nagkakuwentuhan na pareho pala silang nagpo-produce ng pelikula.
Ani Joyce napalagay ang loob niya kay Go kaya naman sa bawat pangungutang nito kahit walang kasulatan o anumang hinihingi para makapangutang eh hindi niya ginagawa.
At bago nila idemanda si Go makailang beses nila itong pinadalhan ng demand letter na sinasagot naman sila na magbabayad.
“Pero hindi niya ginawa (pagbabayad ng utang). Ipinakilala pa ako sa ibang tao na eventually nangutang din sa akin at sa dulo nangawala rin,” kuwento pa ni Joyce.
“Idine-deny pa ni Baby Go na nangutang siya sa akin. May instance na nagbayad siya sa akin ng P5.6-M, tseke pero tumalbog. Nagalit pa siya nang ideposit ko sa banko,” sabi pa ni Joyce.
“Ang dami niyang ibinebenta sa akin tulad ng lupa sa Palawan ba nabayaran ko na pero hanggang ngayon di ko nakikita o nahahawakan ang titulo. Mayroon ding mga alahas o gold pero in the end fake pala lahat,” dagdag pa ng beauty queen/model.
At dahil sa pangyayaring ito natanong namin kung ano ang natutunan niya. Ani Joyce, “na-realize ko na sometimes dapat maging estrikto. Masyado kasi akong maluwag na kapag may nangutang sa akin sige lang. Kasi ‘yung mga nangungutang halos nagmamakaawa, lumuluhod, tapos in the end sasabihin ‘wala akong utang.’
“Ngayon hindi na ako ganyan, natuto na ako. Marunong na akong sumagot ng hindi o wala. Dati kasi oo lang ako ng oo, yes, but now I’ve learned how to say no at talagang tinitingnan ko na and i’ve realized now na dapat kailangan magpapapirma ka, may collateral na.
“I’ve never realized na kailangan mo pala ng ganoon kaso I’ve trusted them. Ganoon kasi ako lumaki. ‘Yung tatay ko kapag may humihingi ng tulong nagbibigay ng basta-basta. Hindi ko alam na maraming salbahe. I’m doing it for the love of God. Sobra ka magtiwala tapos lolokohin ka lang pala,” wika pa ni Joyce.
Sinabi pa ng beauty queen na, “I’m happy now at least nagkaroon ng kahit paano eh magandang pangyayari kasi ang tagal na eh.”
Natanong din si Joyce kung paano pwede magkapatawaran na lang sila at ang sagot niya, “pwede naman pero kailangan bayaran pa rin niya ang utang niya.”
“God has been very good to us, we have a good son and blessed pa rin kami and maraming taong dumarating na maayos at mabait. Sana lang hindi na ulit maulit sa iba ‘yung nangyari sa
asawa ko,” sabi naman ni Marc.
Sa kabilang banda, masaya si Joyce na sa wakas ay maisasakatuparan na ang kanyang singing career.
“Masaya ako lalo na at very supportive ang husband ko. Siya nagpakilala sa akin kay Mr. Vehne Saturno and Jobert Sucaldito na very kind to us.
“Nag- voice lesson ako para mas maganda ang rendition ko ng song. Kaya ako na-inspire na gawin ‘yung song na ‘yun kasi parang imposible na ang isang 69 taong gulang to be an official candidate for Miss Universe Quezon City na first time nila binago age eh, sino ba naman mag-iisip na one day mag-iiba ng rules. So kaya sabi ko gusto ko i-inspire ang mga tao na to follow their dreams in any age at ‘wag silang mag-give up,” dagdag pa.