MA at PA
ni Rommel Placente
SA interview ni Bea Alonzo kay Boy Abunda para sa show nito sa GMA 7 na My Mother My Story ay ikinuwento niya na noong bata pa lang siya, kapag may nagawang kasalanan, pinapalo siya ng hanger at sinturon ng kanyang mommy Mary Anne. Pero tuwing gagawin daw ‘yon ng kanyang ina ay umiiyak din ito.
“Pero hindi siya magso-sorry, mayroon siyang ibang gagawing bagay para mag-apologize, like ipagluluto ka niya. To be honest, she was very strict when we were growing up,” sabi ni Bea.
Patuloy niya, “Of course, back then I don’t understand why. She got pregnant when she was 19. She had me when she was 20. So, we’re also good friends. Growing up parang walang generation gap.
“That’s what I’m afraid of because I’m 36 and hindi pa ako nagkakaanak. So iniisip ko sana maging kasing cool ako ni mama if I have kids,” pagpapatuloy ng Kapuso actress.
Ang pinakatumatak na pangaral sa kanila ng kanyang nanay ay, “Lagi niyang sinasabi sa amin ng kapatid ko, ‘Buntot mo, hila mo.’ Ang ibig sabihin kapag may ginawa kang desisyon kailangan mong pangatawanan.
“You have to be able to stand up for yourself. And you have to make sure that you standby the decision that you make. Panganay kasi si mama, tapos ‘yung lola ko was an OFW.
“So basically, she was the mother of her siblings. She also started working very young. She really grew up as a really strong woman,” paliwanag ni Bea.
“We have our own strength and we show it differently. Si mama bata pa lang, hustler na siya. Kasi mahirap sila, bata pa lang siya, pinagtitinda na siya ng lola ko ng mga kakanin.
“O, ‘yung lola niya, kasi may babuyan, siya ‘yung kumukuha ng mga scraps ng pang-feed doon sa mga baboy. Nahihiya raw siya kasi madadaanan ‘yung bahay ng crush niya.
“So iikot siya ng malayong ruta para hindi siya makitang may dalang kaning-baboy. She really had a tough childhood. Kaya ‘yon din ang naging dahilan noong panahon na kumikita na ako ng pera. Talagang she made sure na makakaipon at makakapagpundar kami,” sabi pa ng premyadong aktres.
Samantala, rebelasyon pa ni Bea, noong una raw ay nagdadalawang-isip ang nanay niya na mag-artista siya, mas gusto raw nito na maging stewardess siya.
“’Yun ang pangarap niya kaya lang iba naman ang pangarap ko, to become an actress. She never really wanted me to become an actress. Alam niya (hilig ko), kasi kapag nanonood ako ng TV, ginagaya ko ‘yung mga napapanood ko.
“Halimbawa sina Ate Juday (Judy Ann Santos), Ate Claudine (Barretto), kapag naiiba na ‘yung music, alam ko iiyak na sila. Nasa harapan ako ng mirror, nandito ‘yung TV, nakikipag-unahan akong umiyak sa kanila. Hindi ko alam na workshop na pala ‘yun,” natatawang pagbabalik-tanaw ni Bea.