NALAMBAT ng mga operatiba ng pulisya ng Navotas City sa pamumuno ni chief of police (COP) P/Col Mario Cortes ang isang 41-anyos vendor makaraang magpositibo ang entrapment operation laban sa pagbebentas ng armas sa R-10 Brgy. NBBS Proper, Navotas City.
Ayon sa ulat na nakarating kay National Capital Region Police office (NCRPO) Regional Director P/BGen. Jose Melencio Corpuz Nartatez, Jr., kinilala ang suspek na si alyas Jun-Jun, street vendor at residente sa Marala Bridge, Tondo, Maynila.
Nabatid na ikinasa ng mga operatiba ni P/Col. Cortes sa gabay ni Northern Police District (NPD) Director Rizalito Gapas ang entrapment operation laban sa suspek makaraang magpositibo ang beripikasyon sa impormasyon na ibinigay ng isang confidential informant.
Dakong 9:40 pm kamakalawa inilatag ng Navotas City Police Station Intelligence Unit na pinangunahan ni P/Capt. Luis Rufo ang entrapment operation katuwang ang NCPS Tactical Motorcycle Response Unit sa area.
Sa nasabing entrapment operation, nakatransaksiyon ng suspek ang isang poseur-buyer para sa isang kalibre.38 baril na nasabat sa nasabing operasyon.
Inaalam ng pulisya kung saan nagmula ang ibinentang baril at kung gaano kalawak ang ilegal na aktibidad ng suspek.
Kasalukuyang nakadetine sa nasabing presinto ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591.
Patuloy ang Navotas City Police sa pagkilos alinsunod sa direktiba ni NPD Director P/BGen Gapas na paigtingin ang kampanya laban sa kriminalidad. (BRIAN BILASANO)