Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
SABI ni Parañaque City Cong. Edwin Olivarez, ang utol pa rin niya na si incumbent Mayor Eric Olivarez ang tatakbong meyor sa 2025 local elections at hindi siya.
“Hayaan mong maglaban ang mag-asawa!”
Siyempre nagulat ang inyong lingkod dahil putok na putok na ang balitang babalik si Cong. Edwin bilang alkalde ng lungsod at babalik sa kongreso itong si Meyor Eric.
Pabiro kong sinagot si Cong Edwin, Totoo ba ‘yan?” Baka isang araw malaman ko ikaw pala talaga at hindi utol mo? Seryosong sumagot si Cong: “Bayaan natin silang mag-asawa maglaban!”
Kung may katotohanan ito, problema ng pamilya Olivarez ‘yan. Dahil kamakailan lang ay dinalaw ni Ailyn Olivarez, misis ni Meyor Eric ang biyenan nitong si Meyor Lap Dr. Pablo Olivarez at nagpaalam na tatakbo siyang meyor sa lungsod ng Parañaque.
Sabi ni Ailyn, marami raw tutulong sa kanya sa pinansiyal na paraan. Dahil marami na raw ang ayaw sa administration ni Meyor Eric na kanyang asawa at sa bayaw niyang si Cong. Edwin.
Natawa ako dahil Olivarez din ang dalang apelyido ni Ailyn at ‘yung laudap niya ay ama ng magkapatid na Olivarez na parang sinasabi ni Ailyn ay ayaw na sa mga Olivarez.
Kung may katotohanan na maglalaban ang mag-asawa sa pagka-alkalde, baka may isang tao na maglakas ng loob na tumakbo rin.
Dahil baka mahati ang boto, pero sa palagay n’yo ba kaya ni Ailyn gibain ang magkapatid? Kayo na ang humusga. Sa palagay n’yo ba kakampihan ni meyor si Ailyn e tunay na mga anak ang babanggain?
Totoo rin ba ang maingay na bulongan ng mga marites na sibil na lang ang pagsasama ni Ailyn at ni Meyor Eric at magkahiwalay na sila ng tirahan?
Anyway, taongbayan pa rin ang huhusga. Gusto nilang bumalik si Cong. Edwin ‘di lang natin batid kung drama lang ito dahil malayo pa ang eleksiyon.
Gulo sa Multinational Village Homeowners Association tapos na
GACUTAN OUT, TEMPLONUEVO IN
Matapos ang labanan nang halos ilang taon, nagwakas na ang kontrobersiya sa Multinational Village Homeowners Association dahil nagpalabas na ng order ang Court of Appeals — ang masaklap na Perpetual Disqualification laban kay Arnel Gacutan, dating pangulo ng nasabing asosasyon.
Isa sa mga pangunahing dahilan ay ang hindi pagsusumite ng financial reports ni Gacutan habang umaaktong pangulo ng nasabing samahan. May kaguluhang naganap kamakailan pero siguro natauhan na si Gacutan, kaya nanahimik na.