HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGPUNTA kami sa isang malaking mall noong isang araw dahil may kailangan kaming bilhin, tapos umulan kaya nag-ikot na rin kami sa mall. Nilibot namin ang 12 sinehan nila pero wala na kaming nakitang palabas niyong pelikula ni Barbie Forteza na gusto pa naman sana naming panoorin. Sabi pa nga namin magbabayad kami at hindi hihingi ng senior citizen discount para makadagdag sa kita ng pelikula ni Barbie. Mabait naman kasi ang batang iyan kulang lang ng suporta sa kanyang career. Kasi nga ang tingin sa kanya ay pang-tv lamang.
Pero sa totoo lang, naniniwala kaming maaaring ilaban si Barbie kahit na sa big screen basta bigyan lamang ng tamang project at mai-promote nang husto. Sayang nga eh wala na ngayong mga producer na kagaya ni Mina Aragon. Kung noon iyang si Barbie, at napunta halimbawa kay Boss Mina aba eh sikat na sikat na iyan ngayon.
Malungkot mang isipin, mukhang hindi kinagat ng tao iyong BarDa. Mukhang ang naging kapalaran nila ay kagaya rin ng DonBelle na humakot ng alikabok sa takilya. Iyong DonBelle noon walang binatbat sa mga nakasabay pang mga pelikula ng MMFF. Ito namang BarDa, nakasabay kasi ng malalaking foreign films.