DALAWANG lalaki na nakatala bilang most wanted persons (MWP) ang nalambat ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Rizalito Gapas, dakong 2:00 pm nitong Linggo nang maaresto ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ang 36-anyos lalaking akusado sa manhunt operation sa L. Angeles St., Brgy. Malinta.
Ang akusado, itinuturing na no. 9 most wanted person ng lungsod ay dinakip ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Evangeline S. Mendoza-Francisco ng Regional Trial Court Branch 270, Valenzuela City noong 23 Agosto 2021, sa kasong Rape in relation to R.A. 7610 – Child Abuse Law.
Dakong 1:30 pm nang isilbi ng mga operatiba ng SIS sa 58-anyos akusado sa loob ng custodial facility unit ng Valenzuela police ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Mateo B. Altarejos ng RTC Branch 172, Valenzuela City noong 15 Disyembre 2023, para sa kasong Child Abuse under Sec. 10(A) of R.A. 7610 as amended by R.A. 11648.
Ang akusado na kasalukuyang nakapiit sa naturang custodial facility matapos maaresto sa hindi nabanggit na kaso ay nakatala bilang no. 2 most wanted person sa NPD. (ROMMEL SALES)