IBA’T ibang roles na ang nagampanan ni Enchong Dee. Nariyan ang bida, kontrabida. Pero tila sobra siyang na-excite sa bagong inio-offer sa kanya ng Star Cinema na hindi muna niya ibinahagi ang titulo.
Sa Star Magic Spotlight presscon kamakailan, ibininahagi ni Enchong ang susunod niyang pelikulang gagawin. Ito ‘iyong may pagka-kontrabida siya kaya ganoon na lamang ang kanyang excitement.
“Yung role kasi na na-offer sa ‘kin, ‘yun ‘yung sabi ko na never na io-offer ng Star Cinema sa akin,” panimula ni Enchong. “Pero ‘yung ganong klaseng pelikula would extend the range that I can do.
“Parang kontrabida kasi siya eh, na medyo gory.”
Eighteen years ago nang magsimula ang showbiz journey ni Enchong na nakilala bilang actor, dancer, singer, model, swimmer, at host.
Kamakailan, gumanap siya bilang Padre Jacinto Zamora sa GomBurZa (2023), na nagbigay sa kanya ng nominasyon bilang Best Supporting Actor sa 2024 FAMAS Awards. At kamakailan din ay itinanghal siyang Best Supporting Actor sa katatapos na 7th The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ngSPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors).
Ibinahagi ni Enchong, “Being part of ‘Gomburza’ is already such a win, simply because ang daming magagandang bagay na sunod-sunod na nangyari… From Cedrick, to Tito Dante, to Piolo, to myself… Panalong-panalo na siya.”
Para kay Enchong, malaking karangalan ang manalo ng Best Supporting Actor, “To be recognized by, specifically by the Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), anlaking bagay. Kasi ito ‘yung mga taong kaakibat mo, everytime na nagpo-promote ako… So, it matters to me kasi these are the people na kasama namin when it comes to spreading the words with our new projects.
“Yung panalo kahapon, hindi ibig-sabihin panalo ngayon, so I just have to keep working. And I’m very grateful to the members of SPEEd because it’s an added inspiration for me to do better in the next projects,” sabi pa ni Enchong.
Gumanap na si Enchong sa maraming hindi malilimutang roles kabilang ang role niya Jojo M. Wenceslao sa Katorse (2009), Caloy Javier sa Magkaribal (2010), Ethan Castillo sa Ina, Kapatid, Anak (2012), at ang iconic na si CJ sa Four Sisters and a Wedding (2013).
Bukod sa pag-arte sa telebisyon at pelikula, pinasok din ni Enchong ang industriya ng musika. Sa ilalim ng Star Music, naglabas siya ng dalawang album: ang self-titled album na Enchong Dee noong 2014 at EDM (Enchong Dee Moves)/Hanggang Dito Nalang noong 2016.
Pagdating sa future career plans, maraming aabangan sa aktor, gaya ng PBB na magsisimula sa July 20. Isa siya sa mga magiging host. “I think I’m as excited as the new housemates. Simply because, ‘yung nabuo naming pamilya noong nakaraang big brother season, legit.
“So, excited ako kasi magkikita kami gabi-gabi, kasama ng mga housemate,” dagdag pa ng aktor.
Nabanggit din ni Enchong ang interes niya na ma-experience ang international stage.
Aniya, ilan sa mga dream collaborations niya ay sina, “Timothée Chalamet, Anya Taylor-Joy, ‘yung mga feeling ko nasa same age-range ko. Para matuto rin ako, matuto rin sila, ‘yung mga ganoong bagay.”
Ang maraming taon ni Enchong sa industriya ay patunay ng kanyang talento. Dahil sa patuloy niyang pagiging bukas sa iba’t ibang larangan, marami pa ang dapat abangan sa aktor. (Maricris Valdez)