ni Rommel Sales
ARESTADO ang isang security guard matapos sunugin at pagnakawan ang pinagtatrabahuang online bingo upang pagtakpan ang hinihinalang pandarambong sa Valenzuela City, kamakalawa ng madaling araw.
Sa ulat ni P/Capt. Armando Delima, hepe ng SIDMB kamakalawa dakong 2:15 am nang makita ang suspek na si alyas Brizuela, 30 anyos, sa kuha ng CCTV na pumasok sa opisina ng online bingo sa Brgy. Paso De Blas at tinangay ang bahagi ng perang nakalagay sa vault.
Dakong 6:15 am nang bumalik sa opisina ang guwardiya at kinuha ang natirang salapi bago nagsindi ng mga papel, plastic at ilang piraso ng natirang salapi na pinagmulan ng sunog at matapos nito ay nagreport sa barangay na may sunog sa puwestong binabantayan niya.
Naapula kaagad ang apoy na bahagya lamang tumupok sa opisina ng kompanya kaya kahit nabasa ang digital video recording (DVR) ng CCTV ay hindi naman ito ganap na nasira.
Dakong 8:00 pm nang matuklasan ng may-ari ng online bingo ang pagkawala ng pera sa vault kaya’t humingi sila ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip kinabukasan sa suspek matapos makita ng mga pulis sa DVR ng CCTV ang ginawa niyang pagnanakaw ng kabuuang halagang P803,311 at panununog sa opisina.
Isinuko ni Brizuela ang natirang P255,700 na bahagyang nasunog na kanyang itinago sa bodega ng bingguhan at inaming naipatalo niya sa pagsusugal sa casino ang malaking halaga na una niyang kinulimbat mula sa vault.
Matapos aniyang matalo sa sugal, binalikan niya ang nalalabing pera sa vault saka sinunog ang opisina upang mapagtakpan ang ginawang krimen.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong Arson, Qualified Theft, at paglabag sa PD 247 o ang Prohibiting and penalizing defacement, mutilation, tearing, burning or destruction of Central Bank notes and coins sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)