KINILALA ng Society of Philippine Entertainment Editors(SPEEd) ang naiambag ni Senador Lito Lapid sa industriya ng pelikulang Pilipino sa nakalipas na ilang dekada.
Mula sa pagiging extra, stuntman, at bida sa mga pelikula, hindi pa rin iniwan ng aktor/politiko ang showbiz industry kahit nagsilbing Vice-Governor, Governor ng Pampanga at ngayon Senador sa loob ng tatlong termino.
Binigyang pagkilala bilang EDDYS Icon ang actor-politician sa katatapos na 7th The Eddys o Entertainment Editors’ Choice na ginanap sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts, Pasay City noong July 7, 2024.
Sa ngalan ni Senador Lapid, tinanggap ng pamangkin niyang si Atty. DX Lapid ang tropeo kasunod ang taospusong pasasalamat sa bumubuo ng SPEEd at mga kasama sa showbiz industry.
Narito ang mensahe ng Senador na binasa ni Atty. DX Lapid:
“Supremo Senator Lito Lapid is deeply grateful for the recognition of his contributions to the Philippine film industry. Ipinaaabot din niya ang pagbati sa mga kapwa artista na nakatanggap din ng karangalan mula sa SPEEd.
“Sa mahabang panahon, mahal ni Supremo ang industriyang ito. Nagsimula siya sa pagiging extra at stuntman hanggang sa pagbibigay-buhay sa mga karakter sa pelikula at telebisyon gaya ng sa kasaluyang Supremo sa ‘FPJ’s Batang Quiapo’ kasama si Direk Coco Martin.
“Kahit sa kanyang 30 taong paglilingkod sa bayan bilang bise gobernador at gobernador noon, hanggang sa pagiging senador ngayon hindi niya iniwan ang industriyang ito na para sa kanya ay isang uri rin ng pagseserbisyo sa pamamagitan ng pagbibigay inspirasyon at kasayahan.
“This recognition is a great honour for Sen. Lapid, and it only proves that his dedication and love for the arts and country are truly invaluable. Taos-pusong pasasalamat po mula kay Supremo Senador Lito Lapid.” (MVN)