BUMAGSAK sa kulungan ang dalawang lalaking nakuhaan ng baril at patalim makaraang sitahin ng mga pulis dahil walang suot na helmet habang magkaangkas sa isang nakaw na motosiklo sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala bilang alyas Daweng, 27 anyos; at Steve, 29 anyos; kapwa residente sa Caloocan City na mahaharap sa kasong paglabag sa Section 28 of RA 10591, BP 6, RA 4136, at RA 10054.
Sa report ng Police Sub-Station 5 kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong 1:30 pm nang matiyempohan nila ang mga suspek na kapwa walang suot na helmet habang magkaangkas sa isang motorsiklo sa Salinas St., Brgy. Longos.
Sa isinagawang beripikasyon ng pulisya, walang maipakitang driver’s license ang driver o patunay na pagmamay-ari niya ang Yamaha Mio motorcycle.
Nang kapkapan, nakuha kay Daweng ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala at walang kaukulang papeles habang nasamsam sa kanyang kasama ang isang patalim na naging dahilan upang posasan sila ng mga pulis.
Napag-alaman ng pulisya na ang naturang motorsiklo ay ninakaw sa Caloocan City kaya pinayohan ang may-ari nito na kinilalang si Marwin Tabago na makipag-ugnayan sa Caloocan City para sa pagsasampa ng kasong motornapping. (ROMMEL SALES)