ARESTADO ang isang lola na nakatala bilang No. 3 most wanted person (MWP) sa Leyte sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ni Caloocan City police chief P/Col. Paul Jady Doles, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Sangandaan Police Sub-Station (SS4) hinggil sa kinaroroonan ng 69-anyos lolang itinago sa pangalang Nanay Celia.
Bumuo ng team ang SS4, kasama ang NDIT- RIU NCR RID-8 Tracker team CIT- Tacloban RIU8 saka nagsagawa ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa lolang akusado, dakong 9:20 pm sa Libis Nadurata, Brgy. 18.
Ang akusado ay inaresto ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest nisyu ni Presiding Judge Irene T. Ponejos ng Tacloban City, Leyte RTC Branch 7 noong 2 May 2024, para sa paglabag sa Section 10 (A) of RA 7610, Qualified Trafficking under sec 4(A) (Child Abuse Act) in relation to section 6A(A) of RA 9208 Trafficking in persons under section 4(A) of RA 9208.
Pansamantalang nasa kustodiya ng Caloocan City Police Station ang akusado habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman. (ROMMEL SALES)