GRABENG nasugatan ang isang warehouse staff matapos saksakin ng kapitbahay na babae na kanyang nakatalo sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Nasa stable condition na habang nakaratay sa Tondo Medical Center (TMC) sanhi ng saksak sa kaliwang bahagi ng ulo ang biktimang si Jerome Cunanan, 26 anyos, residente sa A. Santiago St., Brgy., 0Sipac Almacen ng nasabing lungsod.
Sa ulat nina P/SSgt. Levi Salazar at P/SSgt. Allan Navata kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, dakong 10:20 pm nang maganap ang insidente sa Alley-3 corner Santiago St., Sipac Almacen.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na naglalaro ang biktima ng darts sa nasabing lugar, kasama ang kanyang mga kapitbahay nang dumaan ang suspek na si alyas Darnell, 22 anyos, isang casino dealer at nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa.
Sa kainitan ng pagtatalo, nilapitan ng suspek ang biktima saka inundayan ng saksak sa ulo hanggang magawa niyang makalayo habang naawat ng mga bystander ang suspek.
Matapos ang insidente, isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan habang naaresto ng mga nagrespondeng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 ang suspek at nakuha sa kanya ang isang fan knife. (ROMMEL SALES)