SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PANALONG-PANALO pa rin kung ituring ni Ronnie Alonte ang kanyang career bagamat aminado itong hindi na siya masyadong napapanood sa telebisyon at ang ilang ginawa nilang pelikula kasama ang girlfriend na si Loisa Andalio ay hindi pa naipalalabas.
Sa pakikipag-usap namin kay Ronnie kamakailan sinabi nitong maituturing niyang panalo pa rin siya dahil first love niya ang basketball na itinanghal siyang MVP sa katatapos na Star Magic All Star Games 2024. “Less na lumalabas ako sa TV ngayon at may mga movie kami na hindi pa naipalalabas. Kaya nasabi kong panalo dahil first love ko ang basketball na naglalaro ako sa aming Blue Team, na masasabi kong trabaho rin. At na-eenjoy ko, parang college o high school days ko lang.
“And siyempre may mga endorsement pa rin naman,” sabi pa ng aktor.
Ukol sa kanilang pelikulang ginawa ni Loisa, hindi niya alam kung bakit hindi pa iyon naipalalabas. Subalit iginiit niyang naiiba iyon sa mga ginawa nila ni Loisa na mala-romcom.
“May pagka-drama na may pagka-seksing kaunti, matured 20 percent pero naroon pa rin sa edad namin ‘yung tema,” anito.
Sa kabilang banda, pinangarap pala talaga ni Ronnie na maging PBL/PBA player. “Oo talaga, bago ako pumasok sa pag-aartista, nagsimula ako sa mga TVC, commercial ganyan, noong college na ako, high school ako varsity na ako. Noong pa-senior na ako, Letran mga 2015 nakuha na ako kaso wala pang dorm para sa akin, pero pinababalik ako dahil from Binan ako.
“Sabi sa akin ng coach ko ‘try mo muna mag-senior ng NCAA,’ kasi galing ako ng junior NCAA high school. Nag-try ako bago ako nag-Maynila. And noong nag-player na ako noong college, after ng NCAA namin ipinatawag na ako. And nakuha ako, pero nagustuhan ko rin mag-artista kasi nag-tvc na ako. “
At kung ipagpapatuloy niya ang pangarap na maglaro sa PBA tingin ni Ronnie, late na.
“Sa totoo lang, pwede pa kapag may pagkakataon. Pero para sa akin, ako tinanggap ko lang ang maglaro sa team namin dahil bukod sa trabaho rin ‘yan wala pa akong ginagawa. (Na naging blessing naman dahil siya ang itinanghal na Most Valuable Player (MVP) sa katatapos na liga ng Star Magic All Star Games sa basketball).
“Si Star Magic, si ABS-CBN wala pang inilalatag sa akin. So ano gagawin ko? Eh, ‘di mag-basketball na lang. Kapag nabigyan ako ng pagkakataon na makilala sa pagba-basketball o makapagpasikat pa at kung may aangat na liga, ita-try ko.”
Nang tanungin namin kung pwede niyang iwan ang pag-aartista kapalit ng paglalaro ng basketball, sagot nito, “Pwede kapag nabigyan ako ng magandang pagkakataon dito (basketball). Kasi iyon nga, sa ngayon nga kung saan tayo kikita, siyempre andyan na rin iyong mahilig tayong mag-invest sa ibang bagay. Hindi rin naman nababalewala ang mga pera natin.”
Sa kabilang banda, inamin ni Ronnie na wala pa silang plano ni Loisa na magpakasal.
“Kami ni Loisa enjoy kami, focused kami sa trabaho, makapag-ipon at makapag-invest pa. Eight years na kami this year. Kung mahal mo tao dapat may plano kayo, kung wala, maghiwalay na kayo.”
Pero tiniyak niyang si Loisa na ang ‘the one.’ “Siya na talaga, siya na.”
Sinabi rin ni Ronnie na nagtatagal ang kanilang relasyon (na walong taon na) dahil may tiwala sila sa isa’t isa. At iyon ang sikreto ng kanilang matatag na relasyon.
“Siguro ang pagiging relaxed namin sa isa’t isa. Hinahayaan ko siya, hinahayaan niya ako. She goes out with her friends, and she lets me go out with mine. Hindi kami mahigpit sa isa’t isa. Kaya walang sakalan. ‘Pag ganoon partner, iba eh. Personal, iba nararamdaman ko. Bihira ka maka-experience,”esplika pa ng aktor.
Nasabi rin ni Ronnie na okey lang na i-partner si Loisa isa iba at hindi siya nagseselos.
“Sinabi ko sa kanya ‘pag nag-selos ka wala kang tiwala. ‘Paano ngayon andito ako sa pagba-basketball. ‘Ikaw nasa showbiz,’ handa ako makapag-partner siya ng iba.’ May tiwala ako sa ‘yo. Bakit siya magseselos? Bakit ako magseselos?,” giit pa ni Ronnie.