MA at PA
ni Rommel Placente
MARAMI na ang excited sa pagbabalik-pelikula ng actor-politician na si Bong Revilla. Pero napurnada nga ito, hindi niya na magagawa ang Alyas Pogi 4, matapos siyang operahan sa Achilles tendon sanhi ng nangyari sa kanya sa set ng Birador ilang linggo na ngayon ang nakararaan.
Ang una kasing plano, gagawan na lang ng paraan ang mga action scene ni Sen. Bong pero mas gusto raw nitong siya mismo ang gagawa ng stunts.
Sabi ni Sen. Bong, “Medyo nai-shelve muna ‘yung ‘Alyas Pogi,’ ‘yung pagbabalik niya sa pelikula. Kasi ayaw niyang half-hearted ‘yung paggawa ng pelikula.
“Kailangan maka-recover muna siya. He wants to do ‘yung stunts, ‘yung mga action scene na siya ‘yung gumagawa. So, gusto niyang maka-recover muna,” ang pahayag ng asawa ni Sen. Bong na si Congresswoman Lani Mercado sa isang panayam.
Improving naman daw ang kondisyon ni Sen. Bong. Pero ayon sa misis niyang si Lani medyo matatagalan pa ang recovery process nito.
Samantala, sa kabila ng kanyang kondisyon ay nakapunta pa sa Malacañang last week ang aktor na pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang “Kabalikat Sa Pagtuturo Act” na siya ang principal author.
“Nagpapasalamat po tayo sa mahal na Pangulo at nalagdaan na rin itong ating Kabalikat sa Pagtuturo Act na ang makikinabang ay ang ating mga guro. Ito ‘yung tinatawag na Chalk Allowance nila na dati ay tumatanggap sila ng P5,000 a year pero ngayon P10,000.
“Napakalaking tulong para sa ating mga guro. Kaya again, Thank you Mr. President Marcos Jr. at siyempre sa mga kasama natin sa Senado at Kongreso,” mensahe ni Sen. Bong.
Sabi naman ni Congw. Lani, “Isa po ako sa principal authors sa Kongreso kasama si Congressman Bryan Revilla ng Agimat party-list at Cong. Jolo Revilla of 1st District of Cavite. Nandiyan din ang Teachers partylist na kasama rin natin. So it’s really a partnership. Sama-sama po ito para sa ating mga guro.”