Sunday , December 22 2024

PAGCOR ‘inginuso’ ng Bamban mayor

060424 Hataw Frontpage

NANINDIGAN si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na wala siyang kaugnayan sa kahit anong Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) at ang ilegal na operasyon at pagkakasalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated ay hindi niya pananagutan kundi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang ahensiyang may kapangyarihan para rito.

Ayon kay Guo, patuloy na nasasangkot ang kanyang pangalan sa kabila ng pagiging inosente.

Aniya, ang tunay na isyu ay ang pagsalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated dahil sa reklamo ng human trafficking at seryosong ilegal na pagkukulong at hindi siya.

Sinabi ni Guo, walang kapangyarihan ang local government unit (LGU) sa POGO operations bagkus hawak ito ng PAGCOR na nagre-regulate at nagbibigay ng license to operate.

Sinabi ng abogado ni Guo na si Atty. Nicole Jamilla, limitado sa administratibong tungkulin ang pananagutan ng LGU gaya ng pag-iisyu ng mga business permit.

Iginiit ni Atty. Jamilla, walang paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Mayor Guo base sa naging reklamo sa Office of the Ombudsman.

Ipinaliwanag ni Atty. Jamilla, walang ginawa si Guo na katumbas ng manifest partiality, evident bad faith o gross inexcusable negligence — mga elemento sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices.

Sinabi ng abogado, ang pag isyu ng permit ng LGU sa Zun Yuan Technology Incorporated ay base sa proseso at rekomendasyon ng PAGCOR at ang hindi rin agarang pag-revoke sa business permit nito ay dahil din sa proseso na dapat sundin.

“Si Mayor Guo ang biktima dito,  hindi makatarungang masangkot siya sa mga isyu na pangunahing nakaugat sa mga responsibilidad sa regulasyon ng PAGCOR. Ang kawalan ng mga kinakailangang elemento sa ilalim ng RA 3019, Section 3(e), ay nagpapatunay na ang mga akusasyon ay kulang sa matibay na batayan,” pahayag ni Atty. Jamilla.

Samantala, nanindigan si Mayor Guo na inosente siya sa mga paratang laban sa kanya.

Aniya, nakalulungkot ang suspension order na ipinalabas ng Office of the Ombudsman ngunit kanya itong rerespetohin.

“Ako po ay sumasang-ayon sa proseso ng batas at tinatanggap ang pasya ng Ombudsman. Nais ko rin pong iparating na wala akong kasalanan at tapat akong nagsisilbi sa ating bayan at mga mamamayan. Naniniwala ako na ito ay pagkakataon upang linawin ang mga paratang laban sa akin. Ako ay handang makipagtulungan sa mga kinauukulan upang masiguro ang katotohanan at hustisya,” nakasaad sa statement ni Mayor Guo.

Nagpasalamat si Mayor Guo sa patuloy na suporta at pagmamahal na natatanggap niya mula sa mga residente ng Bamban, Tarlac.

               “Napakalungkot po ng aking nararamdaman dahil sa mga hindi totoo at masasakit na paratang. Parang nauna nang may hatol sa akin bago pa man ako marinig. Ito ay isang paglabag sa aking karapatan bilang isang tao at bilang isang pinunong hinirang ng inyong boto. Gayonpaman, hindi ako susuko at patuloy kong ipagtatanggol ang aking integridad at pagkatao,” giit ng alkalde.

Aminado si Guo, imula pa lamang ito ng kanyang laban at hindi niya ito susukuan para sa mga constituent na naniniwala sa kanya.

“Nandito pa rin ako, handang tumulong, para sa lahat ng kabataan ng Bamban, sa lahat ng matatanda, kalalakihan, kababaihan, maging LGBTQ man, para sa lahat ng inaapi, mahihina, nawawalan ng pag-asa, sa lahat ng mga vulnerable at disadvantaged, sa mga negosyante, guro, mag-aaral, TODA, religious groups, farmers group, mga katutubo, tatay, nanay, ate, kuya, at sa lahat ng mga taga-Bamban. Umpisa pa lamang po ito.  Hindi ko kayo iiwan,” pagtatapos  ni Mayor Guo. (HNT)

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …