KUNG mabilis kumaripas ang nag-abot, hindi ang hinihinalang ‘buyer’ o ‘user’ kaya sa kulungan bumagsak ang isang lalaki nang makuha sa kanya ang mahigit P100,000 halaga ng droga nang maaktohan ng mga pulis kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta, habang nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga tauhan ng Cadena De Amor Police Sub-Station 11 sa Paulino Compound, Brgy. 174, Camarin, napansin nila ang dalawang lalaki na nag-uusap dakong 1:00 ng madaling araw.
Kalaunan, nakita ng mga pulis na may iniabot ang isa sa mga nag-uusap na plastic transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kaya nilapitan nila ang dalawa.
Gayonman, nang mapansin ng dalawa ang papalapit na mga pulis ay biglang kumaripas ng takbo ang isa habang hindi na nakatakbo ang kanyang kausap na nagresulta sa pagkakadakip nito.
Nakompiska sa suspek na si alyas Boy Bato ang isang medium plastic sachet na naglalaman ng aabot sa 15.1 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P102,680 habang nakatakas ang nag-abot sa kanya ng droga.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)