ARESTADO ang pitong Chinese nationals na natuklasang ilegal na nagtatrabaho sa isang quarry sa bayan ng Taysan, lalawigan ng Batangas nitong Miyerkoles, 29 Mayo.
Nadakip ang pitong suspek sa isingawang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) Regional Intelligence Operations Unit IV-A katuwang ang Taysan MPS.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nag-ugat ang pag-aresto sa impormasyong ilang Chinese national ang ilegal na nagtatrabaho sa mining operations sa lalawigan.
Unang target ng operasyon ang isang Wang Zhenglai, 34 anyos, may working visa ngunit ang petisyon ay ginawa ng ‘pekeng’ kompanya.
Bukod kay Wang, nadakip din ng mga tauhan ng BI ang anim pang indibiduwal, lima sa kanila ang mayroong 9(g) working visa na ipenitisyon ng mga kompanyang nasa lungsod Quezon; habang ang isa ay mayroong tourist visa.
Isa sa mga nadakip ay kinilalang si Wang Shou Min, 67 anyos, tinukoy na ‘big boss’ ng mining company at tatay ni Wang Zhenglai.
Ani Tansingco, maaaring ma-deport ang mga dayuhang may working visa pero ipinetisyon ng mga pekeng kompanya.
Nagbabala si Tansingco na nauuso na ang paggamit ng mga pekeng kompanya bilang mga petitioner ng mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho sa bansa.