DESIDIDO ang dalawang konggresista ng Maynila na lusawin ang ang namamayagpag na sugal sa online at text messages dahil nagiging dahilan ito ng pagkarahuyo ng mga kabataan at ng mahihirap na kababayan dahil madaling ma-access sa pamamagitan ng internet.
Bilang paanauhin sa Balitaan ng Manila City Hall Reporters Association (MACHRA) sa Harbor View, sinabi nina Congressmen Ernix Dionisio (1st district) at Irwin Tieng (5th district) na pareho nilang hinahanapan ng paraan upang tuluyan nang mawala ang lahat ng uri ng illegal gambling at sumusumpang hindi nila ito titigilan hangga’t hindi pormal na nabibigyan ng perpetual ban ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa pamamagitan ng isang batas.
Binigyang-diin ni Dionisio na dapat manatili ang sugal sa mga casino para sa mga adult at mayroong perang lulustayin, pero ang nangyayari ay nagiging available ito online maging ang mahihirap at mga estudyante ay exposed sa nasabing bisyo kung kaya’t sila ay nahihikayat hanggang malulong at mauwi sa pangungutang at paggawa ng krimen para lang matustusan ang bisyo ng pagsusugal.
“Gambling should be limited only to those who go to the casinos. Dapat ang sugal hindi accessible lalo sa mga bata na ipinupusta pati mga baon nila,” sabi ni Dionisio na ginawa niyang example ang isang pulis na sa kabila ng pagiging miyembro ng law enforcement, ay nalulong pa rin sa sugal.
Sa parte ni Tieng, sinabi niyang sinulatan na niya ang isang major telecommunications company at hinihingi ang paliwanag kung bakit nagpapadala ng text messages sa mga subscribers at nag-iimbita na pasukin ang site ng isang online gambling.
Aniya, hinahanapan nila ng kasagutan ang nasabing telecommunications company kung ang text messages ay ipinadadala sa lahat ng subscribers maging ito man ay menor de edad dahil ang kailangan lang gawin ay i-click at nasa daigdig na ng online gambling.
Sinabi ng dalawang konggresista ang pagba-ban sa POGO ay kailangang i-formalize at i-institutionalize sa pamamagitan ng paggawa ng batas at sa pagpapatupad nito.
Samantala, sinabi ni Dionisio, ang sama at negatibong dulot ng epekto ng POGO na dinadala nito sa lipunan ay higit sa nakukuhang benepisyo.
Anang kinatawan ng unang distrito na maraming paraan para kumita o makalikha ng pondo.
“Dumarami ang corrupt, kakaunti ang yumayaman, selective ang nagbe-benefit tapos magtatapon ng konting barya sa komunidad,” pahayag nito.
Ang hindi magandang pag-uugali ng mga tao sa likod ng POGO at ang mga krimeng nag-uugat dito ang ipinupunto ni Tieng. Ito aniya ay hindi dapat pinapayagan ng ating bansa.
Binanggit ng kinatawan ng ika-limang distrito ang mga krimeng ginagawa ng mga may kaugnayan sa POGO na mismong law enforcers na rin ang nagbunyag at humahabol sa kanila.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Dionisio sa stance ni Senate President Francis Joseph “Chiz” Escudero na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay dapat magtrabaho bilang regulatory body at iwasan ang maging bahagi ng gambling operations mismo. (BONG SON)